Kapamilya stars tuloy ang ligaya
Luis magho-host muna ng bingo, Boy Abunda balik na sa TWBA updates!
Kahit off the air pa ang Channel 2 at DZMM, tuloy naman ang paglulunsad nila ng Online Kapamilya Shows o “OKS,” kasama ang iba’t ibang Kapamilya stars para samahan at damayan ang mga manonood sa kanilang tahanan ngayong pinatutupad pa rin ang quarantine.
Tampok sa OKS ang mga programang madali at mabilis panoorin at linggu-linggong mapapanood sa oks.abs-cbn.com at ABS-CBN Entertainment YouTube channel.
Magbubukas nga ang kanilang panibagong digital platform na may pakilig at tawanan sa Paligayahin Niyo Ako, isang weekly dating challenge na pagbibidahan ng Ang Lihim Ni Ligaya stars na sina Kit Thompson, Argel Saycon, Raven Molina, at Ivana Alawi. Dito, maglalaban-laban ang mga binata upang makuha ang puso ni Ivana at manalo ng isang Zoom date kasama ang dalaga. Mapapanood ito tuwing Huwebes, 9 PM.
Makakasama rin ang netizens sa kulitan at kamustahan nina Angelica, John Prats, Pooh, Jason Gainza, Ryan Bang, at Zanjoe Marudo sa At Home with Banana Sundae tuwing Biyernes, 7 PM.
All-star ang kwentuhan ni Ruffa Gutierrez sa Love Thy Chika, kung saan makikipagkamustahan siya sa Love Thy Woman co-stars niyang sina Christopher de Leon, Sunshine Cruz, Eula Valdes, Yam Concepcion, Xian Lim, at Kim Chiu. Hindi lang ‘yun, may special guest appearance pa raw si Annabelle Rama sa talk show na mapapanood tuwing Linggo simula ngayong, 12 NN.
Samantala, full force naman ang barkada ng I Can See Your Voice nina Luis Manzano, Andrew E, Alex Gonzaga, Bayani Agbayani, Angeline Quinto, Kean Cipriano, at Wacky Kiray sa online version ng Pinoy bingo sa Bingo Ka ‘Day at nakakatuwang guessing game sa Hula Who tuwing weekend, 6 PM.
Libreng medical consultation naman ang hatid nina Jodi Sta. Maria at Dr. Suzie Mercado sa Doc Knows Best kada Sabado ng 11 AM, habang ipapasilip nina Angelica Panganiban, Billy Crawford, at Coleen Garcia ang mga buhay nila bilang pet owners sa KaPET Lang, kada Linggo ng 5 PM simula ngayon.
Nagbabalik naman ang trending na tunggalian nina Romina at Daniela sa KG Online, kung saan maghaharap sina Beauty Gonzales at Dimples Romana sa challenges na tungkol sa kalusugan, karunungan, at kagandahan. Ito ay para sa mga napili nilang charity at mapapanood tuwing Miyerkules simula sa Mayo 20, 12 NN.
Magiging pambansang kapitbahay naman si Mamang Pokwang sa pagbubukas niya ng pintuan sa mga nangangailangan ng payo at matatakbuhan ng problema sa Harapan Kay Mamang na mapapanood tuwing Sabado, 4 PM.
Ang Magandang Buhay momshies namang sina Jolina Magdangal, Melai Cantiveros, at Karla Estrada ay papakinggan ang mga sikreto at rebelasyon ng netizens sa Confessions with the Momshies, tuwing Biyernes, 11 AM, simula Mayo 22.
Ibibida naman ng cast ng Pamilya Ko sa pangunguna nina JM De Guzman, Sylvia Sanchez, Joey Marquez, at Maris Racal ang mga kwento ng iba’t ibang pamilya at frontliners sa Pamilya Kuwentuhan tuwing Lunes, Miyerkules, at Biyernes, 5 PM simula bukas.
Magbibigay-buhay at katatawanan ang real-life sweethearts na sina Kim Molina at Jerald Napoles sa pagdedebate sa mga napapanahong isyu sa pamamagitan ng rap sa Promdibate, tuwing Lunes, 6PM.
Samantala, makiki-bonding naman sa kanilang fans ang The Gold Squad nina Kyle Echarri, Francine Diaz, Seth Fedelin, at Andrea Brillantes sa official YouTube account nilang may 2.14 milyong subscribers na. Patuloy silang magbibigay ng kilig at tuwa sa pagdiriwang nila ng kanilang first anniversary ngayong buwan. Panoorin sila sa tuwing Martes at Biyernes, 6 PM.
Wala rin patid ang mga chika at balita na hatid ni Boy Abunda sa TWBA Express Updates, kung saan idedetalye niya ang mga pinakapinag-uusapang isyu sa showbiz mula Lunes hanggang Biyernes tuwing 5, 7, at 9 PM.
Bongga na rin at least hindi man sila napapanood sa TV, active naman sila sa digital shows kaya siguradong kumikita pa rin sila.
Kahit nakapasa na sa first and second reading sa Congress ang provisional franchise ng ABS-CBN, wala pa rin daw may alam kung kailan ito maaaprubahan sa third reading para makakarating sa senate at mapirmahan ni Pres. Duterte na nakauwi na kahapon ng Davao matapos ma-lockdown sa Malacañang.
- Latest