Cong. Cayetano nakahanap ng palusot!
Parang sinaksakan ng suwero ang mga nasasakupan ng ABS-CBN dahil sa Martes ay uupuan naman ng Senado ang ginawang pagpapasa ng kamara sa probisyunal na prangkisa ng network.
Ngayon palang ay positibo na ang magiging resulta ng Senado, mismong mga senador na ang nagsasabing labingtatlo sa kanila ay umaayon hindi lang sa limang buwang probisyunal na prangkisa, kundi hanggang sa taong 2022.
Maraming nagpapasalamat sa kongreso sa biglaan nilang pagdinig sa franchise issue ng ABS-CBN, pero mas marami ang nag-oopinyon na heto na naman si Congressman Alan Peter Cayetano, nakahanap na naman ng palusot para isalba ang kanyang pangalan.
Kitang-kita naman kasi ang kanyang postura nu’n, kontrang-kontra ang mambabatas sa pagbibigay ng renewal ng prangkisa ng istasyon, pagkatapos ngayon ay parang siya pa ang bida dahil pumayag ang Kamara sa probisyunal na prangkisa hanggang sa katapusan ng Oktubre.
Komento ng mas nakararami nating kababayan ay sinurot ng kanyang konsensiya ang kongresista, nag-save face agad-agad, may plano raw sigurong tumakbo sa mataas na posisyon ang pulitikong ito sa darating na halalan.
Mahabang salaysayin pa ito, marami pang prosesong pagdadaanan kung ang dalawampu’t limang taong prangkisa ng network ang pagdedebatehan, kaya biyaya na ring maituturing ang probisyunal na pagsahimpapawid hanggang sa katapusan lang muna ng Oktubre.
Korina pahinga muna sa paghahalaman, abala sa bashers habang lockdown!
Siguro nga ay pansamantalang naumay si Korina Sanchez sa paghahalaman kaya nakanahap siya ng panahon harapin-sagutin ang kanyang mga bashers.
Sa mga hindi pa nakakaalam, napakalamig ng mga kamay ng magaling na news anchor sa paghahalaman, lantang-lanta at mamamatay na ay naisasalba pa niya.
Ang kanilang bahay sa Merville, Parañaque ay napapalibutan ng mga halamang namumulaklak, pati sa kanilang mga banyo ay maraming halaman, para na ngang garden ang kanilang sala.
Ang bahay naman nila ni dating Senador Mar Roxas sa P. Tuazon ay ganu’n din, sino nga ba ang mag-aakala na sa pusod ng lungsod ay meron palang ganu’n kalawak na halamanan, berdeng-berde ang palibot ng kanilang bakuran sa malamig na kamay ni Ate Koring.
Paghahalaman ang pangalawa niyang pag-ibig. Pagkatapos ng kanyang trabaho sa telebisyon ay hawak na niya agad ang kanyang mga armas sa paghahalaman, hindi siya nakakaramdam ng gutom kapag abala sa kanilang hardin, ganu’n siya katinding magmahal sa kanyang mga alaga.
Pero mukhang isinantabi muna ni Ate Koring ang paggagambol ng lupa dahil ang binigyan niya ng panahon ay ang mga walang magawang bashers na kumakalampag sa kanya ngayon.
Masasakit na paghusga naman kasi ang ibinabato laban sa kanya, tawagin ba naman siyang frustrated First Lady, hindi ba naman niya sasagutin-papatulan ang mga ganu’ng komento?
Siya nga ba naman ang dapat sentruhan ng sisi kung nabigo man ang kanyang mister sa pangarap nitong maging pangulo? Ang salitang bruha na lagi niyang ginagamit sa pagsagot ay siyang-siya talaga.
‘Yun ang paborito niyang expression, sa halip na magmura ng PI ay bruha ang palagi niyang sinasabi, pero madiin ‘yun!
Kinumpleto ng kanyang mga anak ang buhay ng magaling na broadcaster. Makita lang niya sina Pepe at Pilar ay nawawala ang lahat ng kanyang problema at kapaguran sa linya ng kanyang trabaho.
Korina expert sa Christmas tree at pagbabalot ng regalo
Ihahabol lang namin. May isa pa palang kinagigiliwang gawin si Ate Koring. Ang pagdedekorasyon ng Christmas tree at mga regalo.
Malayo pa ang Pasko ay bumibiyahe na siya sa Vietnam para mamili ng mga pangdekorasyon. Siya mismo ang nag-iikot, siya ang nagbibitbit ng kanyang mga pinamimili, kapag masyado nang mabigat ay babalik muna siya sa hotel na tinutuluyan niya para iwanan du’n ang kanyang mga abubot.
Grabe siyang mag-adorno ng Christmas tree, ang galing-galing niyang magdisenyo, iba-iba ‘yun sa bawat taon.
Kahit sa pagbabalot ng mga regalo ay kakabugin niya ang mga nagtatrabaho sa mga shop sa galing niya. Kahit nga siguro belekoy lang ang laman ng kanyang regalo ay pahahalagahan mo talaga dahil sa ganda.
Sabi sa amin nu’ng minsan ni Ate Koring, “Madaya ang trabaho ko, parang ang tapang-tapang ko sa pagbabalita. Reality check ko ang paghahalaman.
“Kaya pagdating ko sa bahay, kahit gabi na, nagbubungkal pa rin ako ng garden. Pangbalanse ko ‘yun,” sabi ng matapang na broadcaster.
- Latest