Gabby Lopez pinagdiinang isang tunay na pilipino, kapamilya network babalik na sa ere next week
Inulit ng ABS-CBN na isang Filipino citizen si Mr. Gabby Lopez, ang kanilang Chairman Emeritus.
Ang mga magulang niya ay Filipino nang siya ay ipinanganak, at sa ilalim ng 1935 Constitution na epektibo noong ipinanganak siya, awtomatiko ay isa siyang Filipino, ang katuwiran ng network na nai-file na ang bill para sa pagbibigay ng provisional franchise until October 31, 2020.
Hindi na umano kailangan pang kumuha ni Mr. Gabby ng Filipino citizenship dahil hindi naman ito nawala at hindi niya rin tinalikuran ang kanyang Filipino citizenship.
Totoong ipinanganak raw siya sa US at sa ilalim ng US Constitution, isa rin siyang US citizen ayon pa sa natanggap kong paliwanag.
At hindi lang pasaporte ang nag-iisang basehan ng citizenship. Noong lumapit din umano si Ginoong Lopez sa Bureau of Immigration, ito ay para lamang opisyal nilang kilalanin ang kanyang pagiging Filipino.
Parehong kinilala ng Department of Justice at Bureau of Immigration ang Philippine citizenship mula kapanganakan ni Ginoong Lopez ayon sa nakasaad sa Identification Certificate No. 0069 na may petsang 1 October 2002.
So ayun naman pala. Bakit kaya pinagtatalunan pa at pilit na kinakalkal?
Timing daw naman ang dahilan kaya nabitin-bitin ang pagka-kalendaryo ng franchise renewal ng giant network sa Congress. Sa hearing kahapon, parang iba na ang tono ni Rep. Allan Peter Cayetano sa kanyang privilege speech na may kasama pang patutsada matapos ngang payagan na ang sponsors bill sa pagbibigay ng provisional franchise sa ABS-CBN pero hanggang October 2020.
So magbubukas na uli sila at sana nga tuluyan na silang makapag-renew ng franchise for 25 years dahil in all fairness, hindi lang ang mga artista nila ang nag-aalsa, pati fans na hinahanap ngayon ang Story of Yanxi Palace na isang Japanese series na umeere sa kanilang primetime slot.
At least nagbunga ng maganda, kahit temporary lang ang pamba-bash kina Coco Martin and Kim Chiu na naging emotional talaga sa pagtatanggol sa kanilang network matapos itong isyuhan ng cease and desist nung May 5 ng National Telecommunication Commission (NTC).
Malamang na next week pa raw uli makabalik sa pag-ere ang network dahil dadaan pa sa Senate at kay Pres. Digong ang nasabing bill.
- Latest