Nakabalik na sa Quezon City si Willie Revillame, ilang linggo nang nagpapasaya sa ating mga kababayan ang aktor-TV host sa pamamagitan ng Tutok To Win, pero hanggang ngayon ay nasa Puerto Galera pa rin si Kris Aquino.
Magdadalawang buwan na du’n si Kris at ang kanyang mga anak na sina Josh at Bimby, pero hindi sila nakatira sa beach house ni Willie, naka-check-in sila sa isang hotel du’n.
Walang kasamang yaya ang mag-iina sa isla, ang isang staff ni Willie na si Check ang kasama-sama nila, ayon kay Kris ay nag-e-enjoy raw naman ang magkapatid sa kakaibang klase ng buhay na meron sila ngayon.
Talagang kakaiba, dahil nasanay sina Josh at Bimby na may kasamang mga yaya sa kahit saan sila magpunta, pero ngayon ay silang mag-iina lang ang nandu’n sa Puerto Galera.
Inuusisa rin kami ng aming mga kaibigan kung bakit walang lumalabas na komento si Kris tungkol sa pagpapasarado ng ABS-CBN na nagpabago sa takbo ng kanyang karera nang sipain siya ng istasyon.
Gusto na lang naming isipin na siguro nga, sa pagkakaedad na ni Kris, ay marunong na siyang kumilatis ng klase ng giyerang susuungan niya. Hindi na siya tulad nang dati na basta nakakatihan niyang magkomento ay nakikisawsaw siya sa isyu.
Naisip din siguro ni Kris na wala siyang panalo magsalita man siya tungkol sa pagbabawal sa operasyon ng ABS-CBN. Kumaliwa siya at kumanan ay masasakit na salita pa rin ang mapapala niya.
Pabirong komento ni SOS, “Hindi siya nagsasalita tungkol sa ABS-CBN pero ang self-balloon siguro niya, ‘Ayan, kasi, wala kayong utang na loob sa mommy ko!’
“At sa last frame po ng Lupang Hinirang ng network, e, si Kris pa rin ang nandu’n. How ironic lang na hanggang sa pagsasara ng ABS-CBN, e, si Kris pa rin ang pinakahuling nakita ng publiko,” komento ni SOS.
Alam naman naming dadaan pa sa butas ng karayom ang network bago sila uli makabalik sa himpapawid pero paminsan-minsan ay sinisilip pa rin namin ang istasyon.
Isang click lang naman ‘yun sa remote control. Advisory lang ng Cignal ang nababasa namin, ang sabi, “Due to recent developments, ABS-CBN broadcast is not available at this time.”
Anumang nakasanayan na ay talagang hinahanap-hanap natin. Bahagi na kasi ‘yun ng pang-araw-araw nating pamumuhay.
Sikat na male personality kinalimutan ang naging malalim na relasyon sa ‘manager!’
Nu’ng mga panahong patambay-tambay pa lang sa bahay ng mga direktor at kilalang artista ang isang sikat na ngayong male personality ay may mga naging kaibigan siyang manager ng mga personalidad.
Malalim ang kanilang pinagsamahan ng isang manager. Lampas pa sa iniimadyin nating samahan ang naganap, kaya nu’ng ngitian ng kapalaran ang male personality at sumikat, humingi ng simpleng pabor lang naman sa kanya ang manager.
Kuwento ng aming source, “Dahil matindi nga ang pinagsamahan nila, e, naglambing ang manager kay ____(pangalan ng sikat na male personality), humiling ng pabor na baka naman puwedeng mag-guest sa kanyang serye ang isang alaga ng manager.
“Nasaktan ang manager sa naging sagot ng sikat na male personality, ‘Sorry, hindi kami nagge-guest ng laos na, saka ng pulitiko!’
“Sobrang sakit nu’n para sa manager, bukod kasi sa parang hindi na pinahalagahan nu’ng sikat na male personality ang malalim nilang pinagsamahan, e, pinintasan pa ang alaga niya!” unang bagsak ng kuwento ng aming source.
Ilang buwan lang ang lumipas, pinalad na manalo sa mundo ng pulitika ang alaga ng manager, biglang nabaligtad na ang senaryo.
Balik-kuwento ng aming source, “One day, humingi ng appointment si male personality sa pulitiko. Kung puwede raw silang magkita, kasi gusto lang daw niyang batiin ‘yung politician na idol niya!
“Nalokah siyempre ang manager nu’ng malaman niya ang paghingi ng appointment ng sikat na male personality sa alaga niya!
“Idol daw niya ang politician? E, ilang buwan pa nga lang ang nakararaan, e, tinawag niyang laos ‘yung pulitiko? Napakaigsi raw pala ng memor-ya ng male personality na ‘yun, kasing-igsi ng dila niyang bulol!” ka-tumbling-tumbling na pagtatapos ng aming source.
Ubos!