‘Di raw hosto sa Japan
Nakatsikahan namin ang miyembro ng dating sikat na dance group na Streetboys na si Spencer Reyes na nasa Scotland na ngayon.
Sa England na pala siya naninirahan simula nung 2008 at 2014 daw ay lumipat siya ng Scotland kasama na ang asawa niya at tatlong anak.
Nag-nurse daw muna siya sa England at kalaunan ay nag-aral siya ng Electrical Engineering, Plumbing and Heating sa isang vocational school.
Pagdating ng Scotland ay nag-apply daw siya roon bilang bus driver na ang hirap pala ng pagdadaanan bago ka makapasa.
“Napakahirap pumasok as bus driver. You need to do some examinations. Kasi may license dito sa kotse. Pag pumasa ka dun, merong tinatawag nilang theory and hazard. Pag pumasa ka dun, magsi-celebrate ka talaga kasi aaral ka talaga ng makapal na libro.
“After that, pumasa ka dun. Then, nagka-idea ako…nakapasa ako as bus driver, hindi agad ako kinuha. Kailangan kumuha ako another license for bus.
“I need to study again for almost 6 months, review again. Kailangan maipasa mo yung hazard and theory, tapos another…almost 10 na online test na mapasa mo yun.
“Pag hindi mo mapasa isa dun, hindi ka magiging bus driver dito.
“Saka dapat okay ang memory, kasi pag tinuro sa iyo ng once, kailangan mo ng pasikut-sikot dito. Hindi ganun kadali,” saad ni Spencer.
Malaki raw ang kinikita ng bus driver doon na bihira ang Asians na nakakapasok bilang bus driver. Kahit naka-lockdown daw sila roon dahil sa COVID-19, tuloy ang trabaho niya dahil naghahatid din daw siya ng mga frontliner sa hospitals.
“Essentials ako dito eh, nagda-drive ako ng bus. Kailangan ko magdala ng mga nurse sa hospital eh. Ako yung naghahatid ng mga nurse na nagtatrabaho sa hospital. Naka-mask, naka-PPE, makapal yung glasses ko.
“Everytime na sumasakay ako…kasi yung bus namin merong wall na glass which is safe. Every ano…sina-sanitize yun eh..pati mga lahat hawakan,” saad ni Spencer.
Sobrang miss na miss na ni Spencer ang showbiz kaya nga meron daw siyang You Tube channel na Sphencer Reyes, instagram account niya at Tiktok para kahit paano ay nakikita pa rin siya roon na sumasayaw.
Halos araw-araw daw sila may communication ng mga kapwa Streetboys na kung saan nagsu-Zoom meeting sila kasama ang manager nilang si direk Chito Rono.
Natutuwa siyang nakapanayam namin sa DZRH dahil mabuti na ring makita raw ng mga tao na nandun siya sa UK, at hindi totoong naghu-hosto siya sa Japan o nasa Amerika.
Scriptwriters, sumasakit ang ulo sa ‘new normal’ pagbalik ng trabaho
Ngayon pa lang ay pinag-uusapan na sa showbiz kung ano ang trabaho sa taping at shooting sa sinasabi na ngang ‘bagong normal’.
Isa sa mga araw na ito ay maglalabas ang DGPI o Director’s Guild of the Philippines, Inc. ng bagong protocols sa loob ng trabaho.
Sabi ni direk Joel Lamangan, nakailang meetings na sila mula sa iba’t ibang grupo at inaayos na raw kung ano ang magiging takbo ng trabaho kapag mag-resume na ng taping o shooting na tiyak na iba na talaga ang practice dahil paiiralin na ang social distancing.
Ayon sa ilang napagtanungan namin, sa shooting ng isang pelikula maximum na raw ang 70 katao sa loob ng set. Kasama na diyan ang mga artista, crew hanggang sa extra.
Wala na munang kissing scenes o kahit mga yakapan.
Kahit nga siguro sa mga confrontation scene ay limitado na rin dahil iniiwasang magtalsikan ng droplets.
Kaya sumasakit na ang ulo ng mga writer pati ang direktor kung paano mairaraos ang mga eksena na nagagawa pa rin ang social distancing at iba pang pag-iingat na hindi magkahawaan kung sakali.
Pinag-uusapan pa lang yan ngayon sa mga gustong bumalik na sa trabaho. Pero wala pa ring katiyakan kung kailan magri-resume ang paggawa ng pelikula dahil matatagalan pa ang pagbukas ng mga sinehan.
So far, ang pinaghahandaan na lang ngayon ay ang mga programa sa TV at mga pelikula na ipalalabas sa digital platform, kagaya ng iWant na open sa mga pelikulang puwedeng ipalabas doon at malamang mga Kapamilya stars ang gagamiting habang nakasara pa ang ABS-CBN 2.
Sabi nga ni Betong Sumaya na abala pa rin sa promo ng single niyang Nang Minahal Mo ang Mahal ko, pinaghahandaan na raw niya ngayon ang bagong normal sa trabaho. “Iba na nga itong bagong normal natin na tuwing lumalabas ka meron kang face mask, face shield. Alam naman natin ngayon na hindi puwedeng mag-dine in sa restaurant, sa coffee shops. Eto nga nag-invest na ako sa scooter.
“Kasi napapa-isip ka, puwede ka bang mag-Grab car, eh wala pa akong sariling sasakyan, sa family ko. Kaya itong scooter na lang sinasakyan ko, na puwede mo lang bitbitin pagpasok ng trabaho. Heto nga, habang wala pang bakuna, hanggang digital hug, digital kiss ka pa lang muna,” saad ni Betong.