Ang isang napakaseryosong pakikipaglaban ni Coco Martin dahil sa pagpapasarado sa kanyang network ay nagiging malaking katatawanan pa ngayon sa social media.
Hindi sineryoso ng marami nating kababayan ang mataas niyang temperatura laban sa mga taong tinutukoy niyang nagpasarado sa ABS-CBN.
Sa halip ay nagsasalimbayan ngayon ang mga memes niya sa social media, inedit ang mga eksena niya sa Ang Probinsyano, saka nilapatan ng kung anu-anong nakakatawang dayalog.
At meron pang isang nagbigay ng pag-asa kay Coco, huwag daw siyang mag-alala, babalik din agad sa himpapawid ang pinakamamahal niyang istasyon pero sa isang kundisyon.
Kailangang masabi nang malinaw at diretso ni Coco Martin ang SSS (Social Security System).
Kapag nagawa raw niya ‘yun ay hindi na siya kailangang mamroblema pa para sa kanyang kinabukasan, hindi na rin niya kailangang problemahin ang mga trabahador at empleyado ng network na mawawalan ng trabaho, napakasimple lang daw ng kailangan niyang gawin.
“Kailangang malinaw ang pagbigkas niya sa SSS, ha? Hindi Et-Et-Et! Kapag nagawa niya ‘yun, babalik na uli sa ere ang ABS-CBN!” sabi pa ng humahamon kay Coco Martin.
Ugatin natin ang galit ngayon ng mas nakararami kay Coco. Dapat pa nga siyang bigyan ng kredito dahil lumalantad siya at naninindigan sa ipinaglalaban ng kanyang network. Wala siyang nararamdamang takot, ni hindi siya kinikilabutan sa kanyang mga pinagsasasabi, dahil ganu’n nga niya kamahal ang ipinasaradong network ng NTC.
Kalayaan niya ‘yun, may karapatan siyang idepensa ang istasyong nagbigay sa kanya ng lahat-lahat ng anumang meron siya ngayon, pero meron siyang nakaligtaang isipin.
Hindi niya nagawang kontrolin ang kanyang emosyon. Ang kanyang mga opinyon at katwiran ay mas nadaig ng sobrang galit na inaamin niya naman.
Kahit ang mga basketbolista ay pinagpapayuhan ng kanilang coach na huwag nagpapadala sa mga isinisigaw ng miron, hindi sila dapat nagpapaapekto sa mga kakampi ng kanilang kalaban, dahil kapag tinalo sila ng emosyon ay magbabago na ang kanilang pulso sa paglalaro.
Kapag mas lumutang ang galit kesa sa katwiran ay nawawalan na ng direksiyon ang argumento. Parang lobong napakadaling paputukin ni Coco Martin sa kanyang “talumpati.”
Sa isang sundot lang ay sumasabog na siya, naghahamon pa nang wala sa tamang lugar. ‘Yun ang pansin na pansin ng publiko sa kanyang mga litanya.
Marami ring hindi nagkagusto sa kanyang kuwento tungkol sa sobrang kapaguran niya sa pagtatrabaho. Ligo na lang daw ang kanyang pahinga. Umiiyak daw siya habang naliligo dahil kapos na kapos nga siya sa tulog at panahon para sa kanyang sarili.
Pahayag ng kausap naming propesor, “May binanggit siyang timba. Umiiyak daw siya habang nagbubuhos ng tubig mula sa timba. Imateryal na sa akin ‘yung tanong kung bakit wala siyang shower samantalang napakayaman na niya.
“Ang punto ko lang, kahit ipasok pa niya ang ulo niya sa timba, kahit humagulgol pa siya nang humagulgol habang naliligo, e, choice niya ‘yun!
“Puwede naman siyang humingi ng pahinga mula sa production, puwede namang huwag siyang umiyak habang naliligo, bakit hindi niya ‘yun ginawa?
“Kailangan niyang gawin ‘yun dahil milyon ang kinikita niya sa pagtatrabaho, may katumbas na malaking halaga ang ikinukuwento niyang pag-iyak habang naliligo siya!
“Ano’ng kinalaman nu’ng mga pinagsasasabi niya sa issue ng kawalan ng franchise ng network nila? Meron ba? Pangsariling kapakanan lang ang mga inililitanya niya, ipinamumukha lang niya sa mga nagdesisyong isarado ang istasyon kung gaano kalaking grasya ang nawala sa kanya!
“Huwag na siyang magtago sa palda ng mga trabahador ng ABS-CBN na nawalan ng trabaho, huwag na niyang iligaw ang kuwento, kabuhayan niya ang nawala sa pagpapasarado sa network!” madiin at seryosong punto ni prop.