Luis sinasadyang gawing kakaiba ang mga pino-post

Luis

Normal na para kay Luis Manzano ang pagpo-post ng mga nakakatawang videos sa social media. Ayon sa binata ay hinahanap niya talaga ang mga nakatatawang videos upang mapanood at makapagbigay ng kasiyahan sa kanyang mga tagahanga. “I go all over social media, some are just sent to me or by the people in the videos. I think I am makulit but that does not necessarily equate to funny. Both my parents are hilarious. Mas nakikita lang kay daddy (Edu Manzano) but my mom (Vilma Santos) is the same. Laugh trip sila,” pahayag ni Luis.

Para sa aktor ay sinasadya niya talaga na maging kakaiba ang kanyang social media content kumpara sa accounts ng ibang mga artista. “My main goal is magpasaya lang, sino ba mapapasaya ng selfie ko? Wala, baka may magsaksakan pa. Alam ko na ECQ (enhanced community quarantine) has been stressful on the mental health also of so many people. So hey! If my videos make you laugh, then I’m good. I get so many DM’s (direct messages) na they watch my videos to reduce their ECQ anxiety,” paliwanag ng TV host. 

Ejay, natatakot Tuluyang mawalan ng trabaho

Mula nang napabalitang posibleng ipa­sara ang ABS-CBN ay nakaramdam na ng takot si Ejay Falcon. Matatandaang tinanghal na Big Winner ang aktor sa Pinoy Big Brother teen edition noong 2008 kaya natupad ang mga pangarap na mabigyan ng magandang buhay ang pamilya.

Malungkot ngayon si Ejay dahil nangyari na ang kanyang kinatatakutan. “Natakot ako no’ng napapabalita pa lang na posibleng magsara ang ABS-CBN, pero iba pa rin pala talaga ‘pag nandiyan na sa harapan mo. Kasi mas mabigat, kahit sabihin mong sumagi na sa isipan mo dati na what if umabot sa puntong ito ay mahirap pa rin. Parang hindi mo kailan man maihahanda ang puso mo sa ganitong sitwasyon hangga’t nandiyan na at nangyayari na,” pagbabahagi ni Ejay.

Aminado ang binata na suma­sagi rin sa kanyang isipan ngayon kung magkakaroon pang muli ng trabaho upang patuloy na makatulong sa pamilya. “Marami akong tanong, kung ano ang susunod na mangyayari. Ano ba talaga epekto nito sa akin? May trabaho pa ba ako na babalikan? Marami namang nagpaabot ng words of encouragement sa akin lalo na mula sa mga katrabaho ko sa ABS-CBN. Kami-kami rin siyempre ang magdadamayan at mag-aangat sa isa’t isa,” pagtatapat niya.

Gayunpaman ay umaasa pa rin si Ejay na muling magbubukas ang ABS-CBN upang patuloy na makapaglingkod at makapagpasaya sa maraming Pilipino. “Malakas ang paniniwala ko na makakabalik ang ABS-CBN sa ere. Gusto ko munang makiisa at makisimpatiya sa mga kasamahan ko sa ABS-CBN at tumulong sa anumang paraan. Sa ngayon ginagamit ko ang ­aking boses para mas maipaabot sa maraming tao ang katotohanan sa isyung ito para mas maintindihan ng sambayanan na walang paglabag na ginawa ang ABS-CBN,” makahulugang pahayag ng aktor.

(Reports from JCC)

Show comments