^

PSN Showbiz

‘Lalaban ako ng patayan, kahit patayin mo pa ako Coco emosyonal...

SHOWBIZ NEWS NOW NA! - Boy Abunda - Pilipino Star Ngayon
‘Lalaban ako ng patayan, kahit patayin mo pa ako Coco emosyonal...
Coco Martin
STAR/ File

Noong Biyernes ng gabi ay nakasama naming mag-host si Bianca Gonzalez para sa online event na ‘Laban, Kapa­milya’ sa pamamagitan ng Facebook Live. Nakapanayam namin ilang Kapamilya stars at mga empleyado upang magbigay ng kanilang mga opinyon tungkol sa pagpapasara sa ABS-CBN.

Naging emosyonal si Coco Martin nang maglabas ng kanyang mga saloobin tungkol sa mga nangyari. Nagsimula ang galit na nararamdaman ng aktor nang ipasara ng National Telecommunications Commission ang Kapamilya network noong May 5. “Ito po’y walang nag-utos sa amin. Kami pong mga artista, nagtulung-tulong, nagbuklud-buklod kasi gusto naming mailabas kung ano ‘yung nararamdaman namin,” bungad ni Coco.

“Hindi ko maipaliwanag at hindi ko rin alam kung paano ako magsisimula dahil sobra ‘yung galit na nararamdaman ko. Alam kong ang pag-aartista ay hindi panghabambuhay. Maaaring ngayon, uso ka, sikat ka pero lahat ‘yan ay walang kasiguraduhan. Lahat ‘yon ay pinaghandaan ko,” dagdag ng aktor.

Nagsimula lamang umano sa isang simpleng pangarap kaya napasabak si Coco sa pag-arte sa harap ng kamera bago pa tuluyang naging isang ganap na Kapamilya. “Wala po akong talento, ang liit ko, ang pangit ko, ang itim ko, bulol ako, hindi ako marunong mag-Ingles, wala akong kapasidad o katangian para maging isang artista. Pero hindi po ‘yon ang tiningnan ng ABS-CBN. Ang tiningnan nila, kung ano ang kapasidad mo para magtrabaho at para ipakita ang talento mo. Ang turo sa akin ng lola ko, dapat marunong kang tumanaw ng utang na loob. Alam ko po na kung ano mang narating ko sa buhay ko, kung ano mang meron ako ngayon, ‘yon po ay utang na loob ko sa lahat ng mga taong sumuporta at nanood po sa amin. Sa lahat po ng taong humahanga sa amin. At dahil po sa tulong ng ABS-CBN.

“Ang lagi lang pinapaalala ng mga boss namin, itong lahat ng ginagawa natin, ang kapalit nito ay serbisyo para sa bayan. Kung magkakaroon po kami ng pagkakataon, kaming mga artista, nagpupunta pa po kami sa mga probinsya. At bakit po? Para makapagbigay ng konting kaligayahan sa mga tao. Para makapagbigay po ng kahit konting tulong sa mga tao. Kaya po nagkakaroon kami ng charity, at iyon po ay bukal sa loob namin,” paglalahad ni Coco.

Inamin ng aktor na ilang beses na rin niyang naisipan noon na sukuan na ang trabaho dahil sa sobrang pagod na nararamdaman. “Hindi na para sa atin ang ginagawa natin. Ginagawa natin ito para pagserbisyuhan ang ating bayan. Dahil ikaw ang nagiging magandang ehemplo para sa kabataan ngayon. Ikaw ang nagpapakita ng tunay na buhay sa mga nangyayari sa bawat Pilipino nga­yon. Ikaw ang kanilang inspirasyon. Ang mga tao sa abroad na nalulungkot, na nakakapanood ng ating teleserye, ‘yon ang ating serbisyo. Kasi ‘yon ang ating trabaho,” giit niya.

Hindi matanggap ni Coco ang pagpapasara sa ABS-CBN na ang tanging layunin lamang ay ang makapaglingkod at makapagbigay ng kasiyahan sa mga Kapamilya. “Kung ang kompanya po namin ay may ginawang kawalanghiyaan, kasalbahihan at may inaping tao, alam n’yo po, hindi ko lululunin kung ano man ang ipagagawa sa akin. Ako ang kauna-unahang tatanggi at makikipaglaban. Lampas-lampas na po kami doon. Hindi na po pansarili namin ang iniisip namin. Ang iniisip na po namin ay ang kapwa namin. Paano ba na­ming maibabalik sa lahat ng blessings na ibinigay sa amin? Pero kung hindi po namin gagawin ito at hindi maririnig ng mga tao ang nasa dibdib namin, ang mga hinaing namin, ang mga nasa isip namin, sino po ang gagawa? Lahat kami matatakot? Anong gagawin namin sa mga bahay namin, magti-Tiktok para mapaligaya kayo?”

“Mula nang napasara ang ABS-CBN, kinimkim po namin ‘yung galit sa dibdib namin. Anong klaseng hustisya, anong klaseng mga tao ang gumawa nito? ‘Yon po ang tinatanong ko. Kasi kaming mga artista, maaaring lahat ng panlalait naabot na namin. Minamaliit kami kesyo hindi kami nakapag-aral, artista lang kami at hindi nakapagtapos, lahat ng panlalait, okay lang po ‘yan. Wala namang problema ‘yan, opinyon n’yo po ‘yan eh. Ang sinasabi ko lang po, noong nagkaroon ng covid-19, ang ABS-CBN ang isa sa mga nanguna para tumulong sa ating bansa. Kaming mga artista, walang nagsabi sa amin, walang nagpilit, kahit maging buhay na namin ang kapalit. Kung manonood kayo ng balita, halos lahat ng artista nasa labas. May mga artistang kumikilos kahit hindi n’yo nakikita sa TV o sa social media. Bakit? Kasi po ito na ‘yung pagkakataon namin para kami ang tumulong. Kasi po ‘yung mga hindi nagagawa ng iba, kami na po ang gagawa. Kasi nakakahiya naman po sa inyo.”

“Sa gitna ng pandemya, sa gitna ng nangyayari sa ating bansa, nauna n’yo pang isipin ipasara ang ABS-CBN kesa tugunan ang pangangailangan ng ating bansa. Kami pong mga artista, ang ABS-CBN, kami po ang isa sa pinakamalaking nagbabayad ng buwis sa ating bansa. Kami po, may binabayaran po kaming tax taun-taon. May binabayaran po kaming VAT every month. Napakalaki ng naitutulong namin bukod sa ibinabayad naming tax. May serbisyo kaming ibinibigay sa mga tao. pumupunta kami sa ibang bansa para kamustahin ang mga OFW’s. Bakit dumating ang pagkakataong kami ang naisip n’yong tanggalin? Sa panahon ngayon kung saan ang ABS-CBN at ang mga artista ang isa sa mga tumutulong sa mga tao ngayon? Ano pong malaking problema doon?”

Wala na ring pakialam ang aktor sa dami ng online bashers na walang ginawa kung hindi ang insultuhin ang ibang tao ma­ging artista man o empleyado ng ABS-CBN. “Sa lahat ng mga taong naninira sa amin, hindi kayo pwedeng labanan o kausapin nang mahinahon. Ngayon, kakausapin ko kayo sa sarili n’yong lengguwahe. Pasensya na po kayo, galit na galit ako. Galit na galit ako!”

“Ano po bang uunahin natin ngayon? Tanggalin ang kompanya na tumutulong sa ating kapwa, sa lahat ng mga Pilipino? O ‘yung sugal na ipinapasok sa ating bansa? Buti pa ‘yung POGO ipinaglalaban ninyo. Itong kompanyang tumutulong sa lahat ng mga tao ngayon, ipinasara n’yo, ano ‘yon? Tapos ‘yung mga tao tuwang-tuwa? Tuwang-tuwa kayo na nawalan ng trabaho ang 11,000 na tao. Ngayon, kaming 11,000 na tao, anong mangyayari sa amin ngayon? Ngayon kaming mga artista, paano namin tutulungan ang ilang pamilyang tinutulungan namin at binubuhay namin? Anong sabi ni Harry Roque? ‘Oh pumila kayo sa DOLE, huwag kayong mag-alala, bibigyan namin kayo ng ayuda.’ Eh kung buong Pilipinas nga hindi ninyo ma-supply-an eh, pati kami makikidagdag? Ano pong gagawin namin ngayon?”

“Alam n’yo po ang hirap eh, pinag-iisipan ko kung saan ko ito dadalhin. Sa mahinahon na pakiusapan? Tingin n’yo, ‘pag kinausap ko kayo ng mahinahon, ayos? Maaawa kayo sa amin? Pipigilan ko pa ang nararamdaman ko? Lahat naman tayo walang kasiguruhan kung makakalampas sa co­vid-19 na ito. Bago pa matapos ito, ang importante masabi ko kung ano ang totoo kong nararamdaman sa inyo.”

Humingi naman ng paumanhin si Coco sa mga manonood dahil hindi niya talaga makontrol ang emosyon na kanyang nararamdaman sa usapin. “Pasensya na po kayo. Sorry po, sorry po. Sobra po ang galit talaga. Alam kong hindi lang ako. Marami sa mga kasamahan ko sa industriya. Pero kung hindi ako maglalakas ng loob, kung magpapaka-neutral ako, kung magpapakadiplomasya ako, sa tingin ko, hindi ito ang tamang pamamaraaan para kausapin kayo. Ako, bahala na bukas. Sasabihin ko na kung anong nararamdaman ko. Binarubal na tayo eh, tinarantado na tayo, kinuha na ‘yung bahay natin. Anong i-expect natin? Ipagdarasal natin sila? Pinagdasal na natin sila. Tiniis na natin sila. Dapat kumilos tayo, dapat magsalita tayo. Dapat marinig kung ano ang nawala sa atin. ‘Yung 11,000 na nasa ABS-CBN, iparinig n’yo. Kasi kung lahat tayo mananahimik, aabusuhin tayo. Para tayong batang kinotongan at pagkatapos, kapag nagkita kayo, anong i-expect mo? Kasi ito na ‘yung pagkakataon natin. Wala na tayong trabaho, anong iniingatan natin? Ako honestly, wala na akong trabaho. Anong ipapakain ko sa pamilya ko? Kapag ang pamilya ko kinanti, kahit sino ka pa, lalaban ako ng patayan. Kahit patayin mo pa ako,” makahulugang pagtatapos ng aktor. (Reports from JCC)

COCO MARTIN

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with