MANILA, Philippines — Kumpirmado na ang pagkamatay ng isa sa mga haligi ng pelikulang Pilipino na si Peque Gallaga, ika-7 ng Mayo, Huwebes.
Ang balita ay ibinahagi sa publiko ni Jo Macasa, na matagal nang production manager ni Gallaga.
"The Gallaga family announces with great sadness the passing of Peque Gallaga this month of May, 2020," ayon sa statement na inilabas kanina.
"He was a visionary director and artist; a loving husband, father and grandfather; and a dear friend."
Kilala si direk Peque para sa kanyang mga pelikulang "Oro, Plata, Mata" (1982), "Scorpio Nights" (1985), "Magic Temple" (1996) atbp., na bumuo sa kamalayan ng marami noong dekada '80 at '90.
Taong 1996 din nang humakot nang parangal sa Metro Manila Film Festival (MMFF) si Peque para sa kategoryang best director, best original story, at best screenplay para sa "Magic Temple," kung saan nakatrabaho niya sina Lore Reyes at Erik Matti.
"He has brought so much joy to so many people and he will always live in our memories and in his art," banggit pa ng kanyang pamilya.
Sinasabing sa isang ospital sa Lungsod ng Bacolod binawian ng buhay si Gallaga.
Ika-5 ng Mayo nang kumpimahing nasa ospital ang direktor dahil sa mga "komplikasyong nanggaling mula sa mga dating kondisyon sa kalusugan."
Nagluluksa naman ngayon ang marami sa mundo ng showbiz dahil sa kanyang pagkamatay, kasama na si Kapamilya actress Anne Curtis, na nakatrabaho noon ng direktor sa pelikulang "Magic Kingdom: Ang alamat ng Damortis" (1997).
"I will forever be grateful to him and Direk Lore for choosing me to be their Princess Dahlia in Magic Kingdom.. it breaks my heart knowing that he won’t get to meet my own little Dahlia," ayon kay Anne, habang tinutukoy ang baby girl na pinangalanan ding Dahlia.
"Direk Peque, thank you for giving me a role that would change my life forever."
Nagpaabot na rin ng kanilang pakikiramay sa misis niiyang si Madie, anak na sina Bing, Michelle, Datu, Jubal at Wanggo ang Directors' Guild of the Philippines, kung saan dati siyang presidente.
"The guild expresses its deepest condolences to Peque's wife Madie, and children Bing, Michelle, Datu, Jubal, and Wanggo," sabi ng DGPI sa kanilang pahayag.