MANILA, Philippines — Nag-uumapaw ang poot ni Kapamilya actor Coco Martin kina Solicitor General Jose Calida at sa National Telecommunications Commission (NTC) sa pagkakatanggal sa ABS-CBN sa ere kahapon matapos mapaso ang kanilang prangkisa noong Lunes.
'Yan ay pagkaraang magbaba ng cease and desist order ang NTC laban sa operasyon ng ABS-CBN matapos hindi inaksyunan ng Kamara ang 12 panukalang batas hinggil sa legislative franchise hanggang umabot ang ika-4 ng Mayo, 2020.
"Maraming maraming salamat Solicitor General Joe Calida at sa bumubuo ng National Telecommunications Commission sa kontribusyon niyo sa ating bayan!"
"TINARANTADO NINYO ANG MGA PILIPINO!!!"
Matatandaang nagbanta si Calida ng kasong graft sa NTC oras na bigyan nila ng provisional authority ang kumpanya upang makapag-operate habang dinidinig sa Konggreso ang franchise bills.
Sa isang pahayag ngayong Miyerkules, sinabi ni Calida na ginawa lang ng NTC ang trabaho nito at ang dapat daw na magpaliwanag kung bakit walang prangkisa ang ABS-CBN ay ang Kamara, kung saan hindi umusad ang renewal ng prangkisa.
Ayon sa "Ang Probinsyano" star, mahirap magsawalang-kibo ngayon lalo na't pinagkaitan daw ng hanap-buhay ang libu-libong pamilya na magugutom sa pagkawala nila sa ere: "Ito ba ang serbisyo niyo sa bayan?"
"Hindi ako mangingiming sabihin ang totoong nararandaman ko ngayon. Sa mga taong tulad niyo na hindi karapat-dapat pakitaan ng diplomasya at pagkamalumanay. Ang dapat sa inyo usapang sanggano at walang-hiyaan!" patuloy niya.
Una nang sinabi ni Jon Villanueva, presidente ng Rank and File Employees' Union ng ABS-CBN, na aabot sa 11,000 empleyado ang nanganganib mawalan ng trabaho kung tuluyang maipapasara ang himpilan.
Sa kabila nito, tiniyak naman daw ng pamunuan ng ABS-CBN na walang mawawalan ng trabaho sa pamamagitan ng retrenchment sa susunod na tatlong buwan.
"Active ang lahat ng benefits, including medical, sa panahon na ito," sabi sa isang tweet ni Bianca Gonzales kagabi.
Reaksyon ng iba pang Kapamilya
Kinukundena ngayon ng sari-saring human rights at media organizations ang tigil-operasyon ng ABS-CBN bilang atake sa malayang pamamahayag, lalo na't mababawasan daw ang mapagkukunan ng impormasyon ng publiko ngayong nasa kalagitnaan ng coronavirus disease (COVID-19) pandemic.
Tuloy-tuloy din ang pagluluksa ng maraming nagtratrabaho sa istasyon sa ngayon, bagay na kanilang ipinahiwatig sa kani-kanilang social media accounts.
Emotional night in the ABS-CBN newsroom tonight.
— Jeff Canoy (@jeffcanoy) May 5, 2020
We can’t even hug each other. pic.twitter.com/kp0PaMOq2M
We may be off the air but we are not silenced. Fight and FAITH. https://t.co/fMQWo7qzD1
— Karen Davila (@iamkarendavila) May 5, 2020
Si Angel Locsin naman, na matagal nagtrabaho para sa ABS-CBN, walang tigil daw sa pag-iyak sa ngayon dahil sa kinasasapitan ng kumpanya.
"Breaks my heart seeing her like this," sabi ng kanyang fiancé na si Neil Arce sa Instagram kagabi.
"She’s been crying non-stop since she saw The News online because she knows 11,000 people lost their jobs."
'Konggreso ang sisihin'
Samantala, pumalag naman si Calida sa lahat ng bumabatikos sa kanila ngayon ng NTC, habang ipinaliliwanag na nasa Konggreso naman talaga ang bola.
"Why blame NTC when they are only following the law," sabi niya sa isang pahayag.
"Without a valid and subsisting franchise from Congress, the NTC cannot allow any broadcasting entity from operating in the country."
Aniya, 2016 pa raw simula nang matengga ang prangkisa ng kumpanya sa Kamara, dahilan para kwestyonin niya ang trabaho ng mga mambabatas.
Tama lang din daw ang ibinabang cease and desist order lalo na't meron na raw "judicial precedent" sa kapangyarihang 'yun ng NTC noong 2003.
"The exercise by the NTC of its regulatory power is in accordance with the principle of the rule of law. Nobody is sacred. Even a powerful and influential corporation must follow the law," kanyang panapos.