Alden ingat na ingat pag nasa sumpermarket!

Alden

Tuwang-tuwa ang mga tagasuporta ni Alden Richards sa inilabas niyang IG story habang nasa bahay lang siya dahil sa enhanced community quarantine.

Magdadalawang buwan na ring sumusunod sa anunsiyo ng DOH at ng ating pamahalaan ang Pambansang Bae. Lumalabas lang siya ng kanilang bahay kapag may mga importante siyang bibilhing produktong panggamit nila habang ang buong bansa ay naka-lockdown.

“Alay” ang tawag ngayon sa mga taong naatasan ng bawat pamilya na lumabas. Ganu‘n ang papel ngayon ni Alden sa kanyang pamilya, siya ang nagpupunta sa grocery, lahat ng mga kailangan nila ay siya ang bumibili sa labas.

Pero maingat na maingat siya, sa garahe pa lang ay may sumasalubong na sa kanya, tumutuloy siya agad sa kanyang kuwarto para maligo.

Kasama ni Alden sa kanyang bahay ang lolo at lola niya, dobleng ingat talaga ang kailangan niyang gawin, lalo na‘t pinakamalapit sa corona virus ang mga senior citizens.

Napakasaya ng kaibigan naming si Liza na sinimulan at tinapos ang kanyang seryeng The Gift, napasok daw kasi nito ang kuwarto ni Alden sa pamamagitan ng IG, malaking kaligayahan na talaga ng mga tagahanga ang masilip ang pribadong mundo ng kanilang idolo.

Ipinaita ni Alden ang kanyang bedroom, nandu’n ang mga koleksiyon niya ng Iron Man, sa altar din sa kanyang kuwarto nakalagay ang mga abo ng pinakamamahal niyang namayapang ina.

Sa matinding tagumpay na hawak niya ngayon ay palaging naiisip ni Alden ang kanyang mommy. Nakapanghihinayang nga naman dahil kung kailan naman natupad ang kanyang mga pangarap ay wala na ang kanyang inang unang-una niyang paghahandugan.

‘Yun ang dahilan kung bakit nagiging emosyonal ang aktor kapag tumatanggap siya ng mga parangal, kapag kumikita ang kanyang pelikula, kapag may espesyal na parangal na ibinibigay sa kanya.

Wala na nga ang kanyang ina, pero ramdam na ramdam ni Alden ang pagpatnubay ng kanyang mommy sa lahat ng mga desisyong ginagawa niya, katawang lupa lang ang nawala pero hinding-hindi ang pagmamahal ng ina sa kanyang anak.

Lutang na lutang ang pagiging mapagkumbaba ni Alden Richards sa lahat ng pagkakataon, meron na siyang puwedeng ipagmalaki ngayon dahil hindi naman lahat ng mga nangangarap ay nireregaluhan ng kasikatan, pero ni katiting na kaangasan ay walang makikita sa kanya.

Sabi nga ng kanyang mga dating katrabaho, kung ano si Alden nu’ng mga panahong hindi pa siya nginingitian ng kapalaran ay ganu’n pa rin siya hanggang ngayon, hindi siya pinagbabago ng popularidad at kayamanan.

Ramdam ng publiko kung sinu-sinong personalidad ang sinsero at nagbabait-baitan lang sa harap ng mga camera. Sabi ng ang mga direktor, “the art of being deceiving,” hindi kasali sa listahan ng mga artistang nagpapanggap na mabait lang si Alden Richards.

Napakadali niyang kagaanan ng kalooban, mamahalin mo siya, dahil alam mong mula sa puso ang kanyang pakikitungo kahit kanino.

Mga totoong kaibigan, ramdam ngayong quarantine

May matinding realisasyon na ibinibigay sa atin ang enhanced community quarantine. Sa aspeto ng pakikipagkaibigan ay malalaman mo kung sinu-sino ang kasama lang natin sa halakhakan, sila ang kung tawagin ay mga fair weather friends, at kung sinu-sino naman ang mga parang sundalong armado sa panahon ng kagipitan para magparamdam.

Hindi natin kailangang sumigaw, nararamdaman nila ang hirap sa panahon ng lockdown, kaya sila na ang naglalapit sa iyo ng kung ano ang iyong kailangan.

Para kaming nakatira ngayon sa bayang pinamumunuan ni Mayor Enrico Roque ng Pandi, Bulacan, may amelioration help din kaming tinatanggap mula sa kanya, mga pagkaing hindi mo na kailangan pang bilhin sa labas dahil siya na ang gumagawa ng paraang ilapit sa iyo ang palengke.

Para ring si Tita Weng Jamaji, ang anak-anakan naming super-yayamanin, pang-kung-iilang wave na ng mga prutas at karne ang ipinadadala niya sa aming bahay.

“Para hindi na kayo lumabas, delikadong mamalengke ngayon, mahaba na ang pila, may banta pa ng pagkakasakit,” sinserong pahayag ni Tita Weng na isang matagumpay na negosyante.

At si Col. Jude Estrada, basta may aning bangus sa kanilang palaisdaan sa Iba, Zambales ay agad nang makakaalalang magpadala, ‘yun na ang katangian ng bunsong anak ng pangulo nasa posisyon man ang kanyang pamilya sa gobyerno o hindi.

Kakatok ang delivery man sa gate ng bahay mo, may padala raw na ganito at ganyan si kuwan, laganap nga ang biyaya kahit pa mahirap ang pinagdadaanan nating sitwasyon.

At mayaman ang mundo sa mga kaibigang kasama mo sa saya at kalungkutan, sa meron at sa wala, sa makapal at sa manipis, sa pagbagsak at sa pagbangon at sa lahat ng uri ng panahon.

Maraming-maraming salamat sa mga pusong may malasakit at pagmamahal sa kanilang kapwa.

Mabuhay kayo!

Show comments