Aminado si Melai Cantiveros na nakakaramdam siya ng takot para sa buong pamilya dahil sa mga nangyayari ngayon sa bansa. Kasalukuyan pa ring ipinatutupad ang enhanced community quarantine sa buong Luzon dahil sa panganib na dulot ng coronavirus disease 2019. “Sobrang takot ako para sa mga anak ko. Kasi mahirap na talagang magkasakit. Pero mas pinangunahan ako na i-equip ko ang sarili ko with information. Noong una nakakabaliw, kasi noong first week natatakot ako, dahil galing ako sa labas kasi may taping kami. Napa-paranoid talaga ako, so 14 days kami alert sa mga lalamunan at pakiramdam namin,” kwento ni Melai.
Dobleng pag-iingat ang ginagawa ngayon ng pamilya ng aktres upang makaiwas sa sakit. “Sobrang extreme na hinuhugasan namin ‘yung mga pagkain. Sinusunod ko ang lahat ng sinabi ng Department of Health. Naliligo kami, every now and then hugas ng kamay. At kapag nag-sneeze kami, naghuhugas ulit kami at nagso-social distancing din kaming lahat. Lumalabas lang ako para mag-withdraw once lang, at hindi na talaga kami lumabas for grocery. Nag-o-online delivery lang kami sa mga order. Mini-make sure na healthy ‘yung kinakain namin at nag-e-exercise kami every morning,” pagbabahagi ng Magandang Buhay host.
Sa kabilang banda ay masaya naman si Melai dahil talagang sulit na sulit ang bawat oras sa kanilang bahay kasama ang asawang si Jason Francisco at mga anak nilang sina Mela at Stella. “Ginagawa talaga naming masaya dito sa bahay kasi hindi namin pwedeng ipakita sa mga bata na kinakabahan kami, kaya pinapasaya namin sila. Nagluluto ako, minsan gumawa kami ng mga pancakes at tinuturuan ko rin sila na gumawa ng chores sa kusina. Naglalaro kami ng taguan, nagkikilitian and storytelling. Close naman talaga kami pero marami na ulit ako na-discover sa mga anak ko, like si Mela, may diary na pala siya,” pagdedetalye ng aktres.
Lara humihingi ng prayers sa pinagbubuntis!
Mayroon nang sariling YouTube channel sina Precious Lara Quigaman at Marco Alcaraz. Sa kauna-unahang episode ng ‘The Alcaraz’ ay sinorpresa ng mag-asawa kasama ang dalawang anak na sina Noah at Tobias ang netizens ang tungkol sa bagong miyembro ng pamilya. “Ito na po ang aming special guest, 18 weeks na ako (buntis). Sana po na-surprise kayo katulad ng pagka-surprise namin. Kasi ako po na-surprise talaga ako nang bonggang-bongga,” nakangiting pahayag ni Lara.
Malaki ang pasasalamat nina Lara at Marco para sa bagong biyayang ipinagkaloob ng Panginoon sa kanilang pamilya. Ngayon ay hindi makapagpa-check up ang aktres sa kanyang OB Gynecologist sa ospital dahil sa krisis na kinakaharap ng bansa dahil sa covid-19. “Alam po namin na ang daming nangyayari na hindi maganda ngayon sa paligid natin pero this is something talaga na we are truly grateful for. Kahit anong mangyari, we can always find something to thank God for. Marami ring nangyari during pregnancy na ito, ‘yung ibang mommies na buntis ngayon, kinakabahan, hindi na tayo makapagpa-checkup or ultrasound,” paglalahad ng aktres.
“Humihingi rin kami ng prayers sa inyo kasi si Lara, di pa siya nakakapunta sa hospital lately dahil sa mga nangyayari,” dagdag naman ni Marco.
(Reports from JCC)