Buong mundo ang apektado ng COVID-19, talagang pinakamatinding problemang itinuturing ngayon ng bawat bansa ang krisis na ito, hindi na nga naman natin nakikita ang kalaban ay wala pang nadidiskubreng bakuna para puksain ang salot.
Ang bansang tinaguriang super power, ang Amerika, ang sinesentruhan ngayon ng krisis. Libu-libong mamamayan nila ang pumapanaw, habang nagpipiket naman sa kalye ang mga nawalan ng trabaho, hindi na malaman ngayon ng kanilang pangulo kung ano ang gagawing solusyon sa kanilang mga problema.
Wala na ngang higante at maliit na bansa ngayon, wala na ring mayaman at mahirap, kahit sino ay hindi na ligtas sa pag-atake ng corona virus.
Paano pa tayong kasama sa hanay ng mga bansang third world, mahirap na bansa, tuloy ang pananaghoy ng mga kababayan nating nawalan ng trabaho dahil sa enhanced community quarantine.
Napakasakit dahil hanggang sa Mary 15 ay tuloy pa rin ang lockdown, ang maigsing kumot na nagtuturo sa ating mamaluktot muna sa panahon ng indulto ay parang kasinglaki na lang ng lampin ngayon, hindi na nga siguro natin kakayanin pa ang panibagong ekstensiyon ng ECQ.
Pero totoo, maraming nagsasabing mahal pa rin ng Diyos ang Pilipinas, bilang isang Kristiyanong bansa ay hindi pa ganu’n katindi ang mga nagaganap sa ating bayan.
Binabantayan pa rin tayo, matibay pa rin ang tungkod na ipinahiram Niya sa atin para sa pakikipaglaban, kaya walang susuko hanggang sa pinakahuling yugto ng giyera ng buhay na ito.
Manny at Jinkee ‘di hinahayaang puro gadget ang hawak ng mga anak
Dahil wala naman silang pamimilian at hindi sila ligtas sa lockdown ay ginagawang makabuluhan ngayon ng pamilya Pacquiao ang mahabang panahong magkakasama lang sila sa bahay.
Maganda ang ginagawa nina Senador Manny at Jinkee Pacquiao na paraan ng pagpapalipas nila sa nakabuburyong na maghapon.
Mga bagets pa ang kanilang mga anak, natural lang na dahil hindi sila nakalalabas ng bahay ay inaapunatahan na sila ng pagkainip, kalaban ng ECQ ang mga milenyal.
Parehong probinsiyano sina Pacman at Jinkee, laki sa hirap, hindi na bago sa kanila ang mga trabahong bahay na kinagisnan nila sa GenSan.
Sagana sila ngayon sa mga kagamitan sa bahay, meron silang washing machine siyempre, pero tinuturuan nilang maglaba sina Jimuel, Michael, Princess at Queenie.
Ang bunsong si Israel lang ang hindi kasali sa pagtuturo nila, sobrang bata pa nito, hindi pa kasali sa bilang.
Nanakit ang mga kamay nina Princess at Queenie sa kakukusot ng mga nilabhan nilang damit, tagasampay naman sina Jimuel at Michael, may kani-kanyang toka ang magkakapatid.
Kahit pa bukod-na-pinagpala ang pamilya ay gusto pa ring turuang mamuhay nina Pacman at Jinkee ang kanilang mga anak nang independente, hindi nga naman sa lahat ng panahon ay meron silang mga yaya at kasambahay na maaasahan, kaya mabuti nang may alam sila kung paano mamuhay nang sila lang.
“Habang wala silang school, habang naka-lockdown tayong lahat, mas magandang maging productive sila. Hindi puwedeng puro gadgets lang ang hawak nila, kailangan nilang matuto ng mga gawaing bahay,” komento ni Senador Manny.
Napakagandang paraan ng pagpapalipas sa mahigit na isang buwan nang ECQ. Ang nakabuburyong na lockdown. Ang bakasyon na parang hindi na rin bakasyon dahil sa inip na hatid ng corona virus.
Cong. Ronnie hindi nakalimot
Gusto naming pasalamatan ang masarap na pag-alala at malasakit ni Ang Probinsyano Party List Congressman Ronnie Ong.
Pinadalhan niya kami ng alcohol at face mask sa bahay, nagsingit pa siya ng pamibili ng prutas at pagkain para tumibay raw ang aming sistema, nakatataba ng puso ang pag-alala ni Congressman Ronnie Ong. Bagets pa lang ang kinatawan ng Ang Probinsyano Party List ay magkakilala-magkaibigan na kami, kaibigan niya ang anak-anakan naming si Ted Failon, lagi rin kaming nagkikita sa RJ Salon. Batang negosyante si Congressman Ronnie Ong, anak-mayaman, pero ang kanyang puso ay palaging nakakiling sa maliliit. Para rin siyang si Mayor Enrico Roque ng Pandi, Bulacan na kahit sobrang abala sa pagtutok sa mga pangangailangan ng kanyang mga nasasakupan ay hindi nakalilimot.
Maraming salamat mula sa puso.