Betong natupad ang pangarap habang may pandemic
Kahit extended ang enhanced community quarantine, isa na namang pangarap ang natupad ng Kapuso comedian, TV host at aktor na si Betong Sumaya kasabay ng paglabas ng kanyang debut single sa ilalim ng GMA Music, ang Nang Minahal Mo Ang Mahal Ko.
“I am so thankful. Nag-uumapaw ang kaligayahan sa aking puso kasi pangarap ko talaga ito pero hindi ko alam kung paano maisasakatuparan hanggang sa nabigyan ako ng chance ng GMA Music. Isa na namang pangarap ko ang natupad. Thank you, Lord. Hindi pa rin ako makapaniwala. Hindi naman din kasi lahat nabibigyan ng chance kaya I’m very thankful sa GMA Network, GMA Artist Center, at sa GMA Music,” pahayag ni Betong.
Ibinahagi rin ni Betong na maraming emosyon ang mararamdaman ng mga tagapakinig sa novelty song na ito, “Punung-puno ng hugot ang kanta kasi ‘yung mahal mo ay minahal ng bestfriend mo o ng taong malapit sayo tapos sila ang nagkatuluyan. Siguro minsan sa buhay ng iba sa atin ay naranasan na ‘yun.”
May payo rin siya sa mga pusong nasaktan at nabigo. Aniya, “Try to let go pero at the same time, unti-unti mo ‘yang matatanggap. Kung hindi talaga para sa’yo, hindi talaga para sa’yo. Ipag-pray na lang natin na darating din yung tamang tao para sa atin.”
Mapapakinggan na ang Nang Minahal Mo Ang Mahal Ko sa Apple Music, Spotify, YouTube Music, at iba pang digital stores worldwide simula Abril 28.
- Latest