Diskriminasyon sa Amerika matindi pa rin kahit may COVID

Lolit Solis, Cristy Fermin and Mr. Fu

Kapag tumututok kami sa CNN ay nakakaramdam kami ng pakonsuwelo. Hindi namin mapigilang ikumpara ang sitwasyon natin dito sa mga nagaganap ngayon sa Amerika, Spain at Italy.

Sobrang laki ng numero ng mga namamatay du‘n, ayon nga sa ulat ay ikaapat na bahagi ng kabuuang bilang ng mga apektado at pumanaw na sa buong mundo ay hawak ng Amerika, pinuntirya talaga ang nasabing bansa ng coronavirus.

Hindi na nakapaghintay ang mga mamamayan ng Amerika sa East Coast, kahit matindi ang banta ng COVID-19 ay nagbukas na sila ng mga negosyo, paano raw silang mabubuhay kung hindi sila magtatrabaho?

Maraming gobernador sa Amerika ang tumutuligsa ngayon kay President Donald Trump, the worst president nga ang tawag sa kanya ng mga kapwa niya pulitiko, matigas pa raw kasi sa adobe ang ulo ng kanilang presidente.

Sobrang nakakaantig ng puso ang tanong ng isang batang Itim sa doktor na panauhin sa isang programa ng CNN, ang kanyang tanong, totoo raw ba na ang binibiktima lang ng corona virus ay ang mga Black?

Ang sagot ng doktor ay nakapagpaluwag sa kalooban ng bata, walang pinipiling kulay at antas sa buhay ang salot, wala ring garantiya na matatanda lang ang kinakapitan ng mapamuksang mikrobyo.

Kahit sino, sabi ng dalubhasang panauhin, ay maaaring maging biktima ng COVID-19 kapag hindi nag-ingat. Kailangang patibayin ang resistensiya, sundin ang payo ng mga doktor at pairalin ang social distancing, manatili lang sa loob ng bahay.

Hanggang sa mapamuksang corona virus ay may usapin pa rin ng pulitika sa Amerika, binu-bully ng kanilang mga kapwa bata ang mga Itim, sila raw ang tunay na puntirya ng salot at nadadamay lang ang mga Puti.

Ang diskriminasyon ay hindi pa rin nabubura sa bokabularyo ng mga Amerikano. Pero kung tutuusin, sa kahit anong larangan at linya ay nakalalamang ang bilang ng mga Itim na nagtagumpay at kinilala sa buong mundo, kasaysayan ang nagpapatunay ng katotohanang ‘yun.

Vandolph naalala kay Kim Jong-Un

May lumabas na balita sa kasagsagan ng pandaigdigang problema ng coronavirus na namatay na ang lider ng North Korea na si Kim Jong Un.

Pero may agarang bumawi sa balita, buhay pa raw ang batang tagapamuno ng North Korea, naligtasan daw niya ang operasyon at nagpapalakas na lang ngayon.

Kung meron mang lider ng bansa na saganang-sagana sa negatibong pagpuna ay nangunguna du’n si Kim Jong Un na humalili sa posisyon ng namayapa niyang ama.

Grabe ang mga kuwentong lumalabas tungkol sa lider na kahawig ni Vandolph sa biglang tingin, siya ang nagpalapa sa kanyang tiyuhin sa mga aso sa pag-aakalang baka ito ang maupong lider ng kanilang bansa, wala siyang pakialam sa dugo basta kaagawan niya sa puwesto.

At may kumakalat na pakomedyang kuwento tungkol sa North Korea. Wala raw biktima ng COVID-19 sa kanilang bansa, malinis na malinis daw sila sa salot, dahil ayon sa mga pilosopo ay ipinapapatay na agad ng kanilang lider ang kanilang mga mamamayan kahit wala pang sakit na nakahahawa.

Masakit na masakit ang pinagdadaanan ngayon ng lider ng North Korea. Buhay pa siya ay pinapatay na. At ipinagdarasal pang tuluyan na ngang mamatay ng mga taong pinagdusa niya nang walang kalaban-laban.

Viewers ng TIPPMG, inip na inip na

Tama si Manay Lolit Solis, sobrang nakaka-miss na ang bonding namin tuwing Martes nang tanghali sa Take It, Per Minute... Me Ganu’n, ang programang sinusuportahan lalo na ng mga kababayan natin mula sa iba-ibang dako ng mundo.

Sabi nga ni Arlene Andes ng Belgium, “Ta­nging gamot namin sa kalungkutan dito, nawala pa, matapos na sana ang lockdown para may mapanood na uli kami.”

“’Yung mga halakhakan n’yo, napaka-contagious! Kahit nahihirapan kami dito sa pagtatrabaho, natatanggal ang pagod namin! Miss na miss ko na ang pambubuking ng mga blind items ni Manay Lolit!

“Siya lang ang nakagagawa ng ganu’n, sa totoo lang, na ikinaaaliw naman namin!” pahayag naman ng buryong na buryong na rin sa Hainan, China na si Lesly Grace Advincula.

Para kasing hindi muna napapanahon ang talk show sa mga ganitong sitwasyon na naliligalig ang buong bayan dahil sa corona virus.

Konting panahon pa, ipagpatuloy lang natin ang pagdarasal na sana’y matuldukan na ang lockdown, para muli na tayong magkasama-sama sa programang kasalo n’yo sa pananghalian.

Show comments