Ogie : ‘Si jesus ang sagot’
Kasiguruhan sa pagmamahal ng Diyos sa gitna ng pandemic ang handog ni Ogie Alcasid sa bago niyang single na Live for Jesus, ang unang kolaborasyon niya kasama sina Regine Velasquez at mag-partner na sina Jaya at Gary Gotidoc.
“Hangad at panalangin ko na ma-inspire tayo ng kantang ‘to na maniwalang malalagpasan natin ang krisis na ‘to,” sabi ni Ogie. “Si Hesus ang kasagutan. Sa mga panahon ding ito, kung saan mahina tayo, ay makikita natin ang kalakasan ng Diyos, kung paanong sapat na ang awa niya sa atin.”
Inilabas noong Biyernes (April 17) ang praise song sa ilalim ng Star Music, kung saan maririnig sa backup vocals ang Songbird at ang Queen of Soul, pati na ang maikling rap verse mula sa partner ni Jaya na si Gary na kalalabas lang ng hospital matapos magkaroon ng mild stroke.
Isinulat ni Ogie ang lyrics at musika ng Live for Jesus, habang si Mark Lopez naman ang nag-arrange at si Tim Recla ang nag-mix at master.
Ayon sa singer-songwriter, kumuha siya ng inspirasyon sa pagsusulat ng kanta mula sa Bible verse na 2 Corinthians 12:9 (NIV), na sinasabing, “But he said to me, ‘My grace is sufficient for you, for my power is made perfect in weakness.’ Therefore I will boast all the more gladly about my weaknesses, so that Christ’s power may rest on me.”
Hindi biro ang pinagdadaanan ng lahat sa kasalukuyan na ang karamihang pino-problema ngayon ay kung anong magiging kapalaran nila pagkatapos ng enhanced community quarantine kaya maraming natuwa na mga tagapakinig sa makahulugang mensahe ng kanta, at pinuri ang kahalagahan ng pagre-release ng mga ganitong uri ng kanta sa ganitong panahon ng pandemic.
Anyway, kamakailan lang, kasama sina Ogie, Regine, at Jaya sa mga Kapamilya singers na naghatid ng pag-asa at nagbigay ng tulong sa Pantawid ng Pag-Ibig campaign ng ABS-CBN sa pamamagitan ng pagkanta ng prayer song na Ililigtas Ka Niya.
Nito lang simula ng Abril, naglabas naman si Regine ng rendition niya ng Heal our Land kasama ang Villancico Vocal Ensemble.
Purihin si Hesus sa gitna ng mga pagsubok at pakinggan ang Live for Jesus, sa Spotify, Apple Music, at YouTube. Kasama rin ito sa Music Heals playlist ng MusicShare sa Spotify.
- Latest