Howie Severino, ipasisilip ang pinagdaanan bilang COVID-19 survivor
Ngayong Sabado (April 18), ilalahad ng batikang journalist at GMA News Pillar na si Howie Severino ang pinagdaanan niya bilang isang COVID-19 survivor sa dokumentaryo ng I-Witness na mapapanuod pagkatapos ng Tadhana.
Physically active si Howie, kaya naman hindi niya inakala na matatamaan siya ng coronavirus.
Nagkaroon si Howie ng lagnat na tumagal ng isang linggo at kalaunan ay nagka-pneumonia. Ilang araw pa at nag-positibo si Howie sa coronavirus. Naitala siya bilang ika-2,828 na tinamaan nito sa bansa.
Habang nasa ospital, nakilala ni Howie ang isang nurse (Gabriel Lazaro) na napag-alaman niyang interesado sa documentaries. Hinikayat niya itong idokumentaryo ang kanyang buhay bilang isang frontliner at si Howie bilang pasyente, ay naging bahagi rin ng dokyu.
Ang kinalabasan ng kanilang pagkakaibigan at pagtutulungan ay ang dokyumentaryong “Ako si Patient 2828” kung saan ipakikita ang mga nangyayari sa front line at ang mga nararanasan ng mga pasyente habang nilalabanan ang COVID-19 sa loob ng ospital—mula sa kanilang test, sa isolation at pagpapagaling sa loob ng ospital, hanggang sa pag-discharge sa kanila pauwi sa kanilang mga tahanan.
Nakausap din ni Howie ang kapwa survivor at aktres na si Iza Calzado.
Ngayon, hinihintay na lang ni Howie ang kanyang doctor’s clearance upang makapag-donate ng kanyang dugo upang makatulong sa paggaling ng iba pang COVID-19 patients.
- Latest