^

PSN Showbiz

Kim mas lumalim ang pananalig sa Diyos!

UBOS - Cristy Fermin - Pilipino Star Ngayon
Kim mas lumalim ang pananalig sa Diyos!
Kim

Mas lumalim ang pananampalataya sa Diyos ni Kim Chiu. Higit kailanman sa kanyang buhay ay ramdam na ramdam namin na ngayon siya sobrang sinserong nagpapasalamat sa Diyos sa pagbibigay sa kanya ng pangalawang buhay.

Hindi nga naman biro-biro lang ang pinagdaanan ni Kim. Isang maling galaw lang ay siguradong paglalamayan na siya. Pero gumawa ng paraan ang Diyos para makaligtas siya sa pananambang sa kanyang van.

Paano nga naman kung hindi siya nakaramdam ng antok habang papunta siya sa taping ng kanilang serye? Paano kung ipinagpatuloy niya ang pagbabasa ng kanyang script?

Paano kung hindi niya ibinagsak nang pahiga ang kanyang upuan? Ang lahat ng tanong na ‘yun ay may iisang kasagutan lang. Siguradong inaalala na lang natin ang kanyang pangalan ngayon.

Siguro’y binabalikan na lang natin ang kuwento ng pagpila niya sa isang mall sa Cebu para maging kalahok siya sa PBB.

Siguro nga ay inaalala na lang natin ang mga ginawa niyang pelikula, ang galing niyang sumayaw, ang parang gripo niyang mga mata sa pagluha sa madadramang eksena.

Hindi pa oras ni Kim Chiu. Nang ipanganak ang bawat tao ay nakaguhit na sa kanyang palad kung hanggang kailan siya mananatili sa mundo.

Para lang tayong mga turista sa mundong ito. Walang may-ari ng lugar na pinupuntahan natin. Bumibisita lang tayo.

Kung hanggang du’n na lang ang pagiging turista ni Kim sa mundo, sana’y hindi siya inantok, sana’y hindi niya ipinatihiga ang kanyang upuan na nakaiwas sa mga balang tumama-lumusot sa kanyang bintana.

Kapag nababasa namin ang mga posts ni Kim Chiu ay damang-dama namin ang nag-uumapaw niyang pasasalamat sa Diyos sa pagbabantay sa kanya.

Hindi lang dahil sa maayos nyang karera, hindi lang dahil sa mga biyayang tinatanggap niya bilang artista, kundi sa panibagong buhay na ipinahiram sa kanya ng Panginoon.

Iisa lang ang ating buhay. Kahit mga bilyonaryo ay walang kapasidad na bumili ng isa pang buhay. Kapag nawala na ay ‘yun na ang takdang oras ng pamamaalam natin sa mundo.

Tapos na ang panahon ng ating pagiging turista lang.

Mga Pinoy sa Amerika naghihingalo na ang bulsa!

Hanggang sa June 10 pa ang lockdown sa Amerika. Ang mga kamag-anak at kaibigan namin ay umaaray na. Tulad dito sa atin ay inoobserba at sinusunod din nila ang enhanced community quarantine.

Hindi rin sila lumalabas ng bahay, sa bawat pamilya ay isang miyembro lang ang binibigyan ng pass para makalabas para bumili ng kanilang mga pangunahing pangangailangan, inaalala rin nila ang mga susunod na panahon para sa kanilang kabuhayan.

Daang libo na ring manggagawa sa Amerika ang humihingi ng ayuda sa kanilang gobyerno, kailangan nilang sumigaw, dahil huminto ang ikot ng kanilang mundo mula nang pairalin ang lockdown sa kanilang mga lugar.

Marami kaming nakakausap na iisa lang ang sinasabi, naghihingalo na ang kanilang bulsa, kung hanggang kailan tatagal ang pisi ng kanilang kapasidad ay hindi rin nila alam.

Ang unang linggo ng lockdown ay kinakaya pa, may nahuhugot pa sa bulsa, pero nang pumaspok ang ikalawa at ikatlong linggo ng ECQ ay unti-unti na nilang naramdaman ang pangangailangan ng suwero ng kanilang bulsa.

Lalo na sa mga kababayan nating arawan lang naman ang kinikita na pinagbawalang magtrabaho. Parang pagguho na ng mundo ang pakahulugan nila sa nagaganap na kahirapan ngayon.

Hindi naman sila puwedeng basta umasa na lang sa rasyon ng kanilang kumonidad, tasado lang ang mga biyaya, dahil napakarami nilang naghahati-hati sa budget ng kanilang mga tagapamuno.

Hanggang sa katapusan pa ng buwang ito ang ekstensiyon ng ECQ. May tinatanaw nang pag-asa ang mga iwing manggagawa, konting paghihintay na lang at babalik na sa normal ang ikot ng kanilang mundo, pero paano kung may panibagong ekstensiyon na naman pala?

Paano na ang kalam ng sikmura ng kanilang pamilya, paano na ang kanilang bulsa na nagrereklamo dahil pigang-piga na, napakahirap nga naman ng sitwasyong kinapapalooban natin ngayon.

Ibayong panalangin pa ang ating dapat gawin, kakambal ang pagsunod sa mga ipinagbabawal ng DOH at ng ating pamahalaan, hindi kaya ng ating kapasidad ang pagsugpo sa corona virus na pinoproblema ng buong mundo.

KIM

Philstar
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with