Ngayong Semana Santa, pinapayuhan pa rin ang lahat na manatili sa bahay upang maiwasang mahawa sa kumakalat na COVID-19. Magandang pagkakataon ito para magmuni-muni at manood ng mga palabas na kapupulutan ng aral at inspirasyon.
Ang ABS-CBN News ay may mga handog na dokumentaryo at kwento mula sa iba-ibang programa nila.
Kasabay nga ng pangungulila ng libu-libong namatayan ng mahal sa buhay dahil sa coronavirus, pakinggan naman natin kung paano napatawad ng aktres na si Cherry Pie Picache ang pumaslang sa kanyang ina sa dokumentaryong Radical Love ng ABS-CBN DocuCentral.
Mga kwentong kukurot sa puso naman ng mga taong naapektuhan ng isinasagawang malawakang lockdown ang hatid ni Jeff Canoy sa episode ng #NoFilter na pinamagatang Quarantine.
Ipapakita naman ng isang debotong binabae kung paano niya isinasabuhay si Hesu Kristo tuwing Semana Santa sa Pasan, na nanalo sa Class Project Intercollegiate Mini Documentary Competition ng ABS-CBN at Knowledge Channel.
Mapapaisip ka naman kung kumusta na ngayong panahon ng “physical distancing” at “social distancing” kung paano nagmumuhay ang 30 miyembro ng isang pamilya sa Angkan na Siksikan ng Rated K kasama si Korina Sanchez-Roxas sa kanilang maliit na tahanan.
Mapapanood ang lahat ng ito at marami pang ibang magagandang palabas ng libre sa ABS-CBN News YouTube channel o kaya naman sa iWant app o iWant.ph.