Sa panahon ng enhanced community quarantine na pinaiiral ng ating pamahalaan ay inip na inip na ang maraming personalidad.
Ngayon magkakaalaman kung sinu-sinong artista ang puwedeng maging kapaki-pakinabang ang panahon kapag ganitong hindi sila puwedeng lumabas ng bahay.
Ang una naming naisip ay si Coco Martin. Sa tabing-tabi ng kanyang mansiyon sa isang eksklusibong subdivision ay ginawa niyang taniman ng mga gulay ang malaking lote.
Kumanta ka man ng Bahay-Kubo ay siguradong nandu’n ang karamihan sa mga gulay na sinasabi sa piyesa. Napakaganda ng kanyang gulayan, sariwang-sariwa ang mga puno, dahil kapag may trabaho siya ay meron siyang itinatalagang mag-aalaga ng kanyang mga pananim.
Magsasaka talaga ang peg ng action star kapag nasa malawak na lote siya. Nakabota, naka-jacket, lahat ng dumadaan sa tapat ng kanyang bahay ay humihinto para makapagparetrato sa kanya.
‘Yun ang pangtanggal niya ng stress, hindi biro ang papel na ginagampanan niya sa Ang Probinsyano, dahil bukod sa siya ang bida sa serye ay kasama pa rin siya sa creative team.
Umaarte na siya ay nagdidirek pa, may kamay rin siya sa takbo ng istorya, kaya sa tatlong beses nilang taping sa bawat linggo ay talagang mauubusan na nga naman siya ng lakas at creative juices.
Kaya minabuti niyang gamitin ang kanyang oras sa pagtatanim ng iba’t ibang gulay sa tabi ng kanyang mansiyon. Malaking-malaki ang kanyang pakinabang sa dibersiyong ginagawa niya.
Libre na ang pangsahog nilang mga gulay sa ulam ay nakapagreregalo pa siya sa kanyang mga kaibigan at kasamahang artista.
Kaya ngayong nakapailalim tayo sa lockdown ay siguradong mas nadagdagan pa ang mga pananim ni Coco Martin. Marami siyang naka-stock na binhi, armado siya ng mga buto, nagagamit niya sa kapaki-pakinabang na paraan ang enhanced community quarantine.
Charito at Susan, noon pa mahilig sa pagtatanim
Naalala namin ang namayapang magaling na aktres na si Charito Solis. Paggawa naman ng sardinas ang pinagkakalibangan nu’n ni Tita Chato.
Dalawa sila ni Mama Ling Santiago na pagkasarap-sarap gumawa ng sardinas. Nu’ng minsang mag-order kami kay Tita Chato ay namroblema siya sa driver, walang magdedeliber, kaya kami mismo ang pumik-ap ng sardinas sa kanyang bahay sa New Manila.
Kumpleto siya sa mga kagamitan, banye-banyerang isda ang nililinis nila ng kanyang mga kasambahay, naka-hairnet pa sila at working gown para maging malinis ang kanilang produkto.
At kapag naman mahaba-haba ang kanyang pahinga sa shooting ay nasa Tagaytay ang magaling na aktres. Malawak din ang pataniman niya ng mga gulay.
Kapag anihan ng talong na tanim niya ay nagpapadala pa sa amin si Tita Chato, wala siyang sinasayang na panahon, dahil ang katwiran niya ay hindi na maibabalik pa ang oras na nasasayang.
Ganu’n din ang libangan ni Manang Inday (Susan Roces), palagi rin siyang nagpupunta sa Tagaytay para bisitahin ang kanyang mga pananim, nagpapadala pa siya kay Tita Dolor Guevarra sa amin ng mga sariwang gulay mula sa kanyang taniman.
Napakasarap naman talagang magtanim ng mga gulay, hindi sila alagain, gambol lang ng lupa at pagdidilig ang kailangan at ilang linggo lang ay makapamimitas ka na ng mga bunga.
Bukid madaling balikan
Lumaki kami sa isang nayon. Bukod sa pagtuturo ay naging ikalawang opisyo na ng aming ama ang pagtatanim sa aming bakuran. May green thumb si Tatay, wala siyang namamatay na pananim, mapaghimala ang kanyang mga kamay.
Paggising namin ay napakasarap tanawin mula sa bintana ang tanim niyang sitaw na pagkahahaba ng bunga. Pumumpuno rin ng bunga ang kanyang mga balag ng sigarilyas at bataw.
Masipag mamunga ang talong, kapipitas mo lang ngayong umaga ay may aanihin ka na naman sa susunod na araw, bagoong at betsin na lang ang kailangan para makaraos kami sa araw-araw.
Ayon kay Tatay ay iba ang kaligayahang hatid sa kanya ng pagtatanim. Buto nga lang naman niyang ibabaon sa lupa, paglipas lang nang ilang araw ay umuusbong na ang punla, bumilang ka pa nang ilang araw at namumunga na.
Namana namin ‘yun kay Tatay kaya ang bahay namin sa bukid ay napalilibutan din ng gulayan. Ang manugang naming si Geli na may malamig na kamay rin sa pagtatanim ang namamahala, katuwang niya sa pag-aalaga ang pamilyang nakatira sa aming lote, malaki na ang kinikita nila sa pagbebenta ng sili at pechay na sariwang-sariwa.
Kapag ang aming hanapbuhay bilang manunulat ay nag-lockdown na nang tuluyan ay alam namin kung saan kami pupunta.
Basta alam namin ang daan pauwi sa aming nayon ay hindi kami maliligaw. Babalik kami sa bukid na aming pinanggalingan.