John Lloyd ‘nr’ pa sa black hole, buhay ng isang personalidad ka-level ng dinanas ni Ellenc
Ayaw magpakabog ni Ellen Adarna sa COVID-19 na sentro ng atensiyon ngayon ng buong mundo. Kung may mga rebelasyong inilalabas ang DOH at ang ating pamahalaan tungkol sa mapamuksang virus ay ganu’n din ang Cebuanang aktres.
Wala siyang binabanggit na sinuman sa kanyang mga kuwento, pero ang tatlong taon na tinutukoy niya ay ang inakala nating maliligayang araw nila ni John Lloyd Cruz, pero naging black hole pala.
Sa biglang tingin ay parang walang pakialam sa mundo si Ellen Adarna, parang kahit virus ay matatakot na kumapit sa kanya, pero sa pagmamatapang na ‘yun ng sexy star ay nakatago pala ang isang malaking kaduwagan.
Yun ang dahilan kung bakit siya dumayo pa sa Bali, Indonesia para sumailalim sa dalawang linggong mental training.
Ibang-iba na kasi ang kanyang nararamdaman, naninigas na ang mga muscles niya at hindi na raw siya nakahihinga nang maayos, kaya iyak na lang ang nagagawa niya.
Mabuti na lang at mas nauna ang pagpapagamot niya sa Indonesia kesa sa pagputok ng corona virus, ang mga dahilan kasing ikinukuwento niya ay katulad ng nararamdaman ng isang positibo sa COVID-19, mabuti na lang talaga.
Ihinalintulad din ni Ellen ang kanyang sarili sa isang robot. Dahil sa matinding depresyon na umatake sa kanya ay inom lang siya nang inom ng tranquilizer, kaya tulog lang siya nang tulog, hindi na rin niya nakukuhang maligo.
Ang mga kuwento ni Ellen ay walang ipinagkaiba sa istorya ng mga personalidad na umasa na lang sa gamot para makapagnakaw ng tulog. Downers ang tawag sa ganu’n.
May isang babaeng personalidad ding tulad ni Ellen na ikinukuwento ng mga dating kasambahay nito na maghapon at magdamag lang na nasa kanyang kuwarto.
Hinahatiran na lang ito ng pagkain kapag oras na ng agahan, pananghalian at hapunan, pero hindi rin naman nito nagagalaw, dahil bagsak na bagsak nga dahil sa epekto ng tranquilizer.
E, sobra pa sa kailangan lang ang iniinom ng personalidad, gusto na yata nitong magpakamatay, kaya isang linggo na ay ni hindi ito nakikita ng kanyang mga anak.
Sa mga kuwento ngayon ni Ellen Adarna ay ano kaya ang nararamdaman ni John Lloyd Cruz? Alangan namang magdenay pa sa kanyang sarili ang aktor na hindi ito ang tinutukoy ng aktres sa black hole na klase ng buhay na kanyang napasukan?
Nakakalungkot lang isipin na ang akala ng buong mundo nu’n ay napakaligaya nilang dalawa, napakarami nilang isinakripisyo, dahil sa ngalan ng pag-ibig.
Pero hindi naman pala ganu’n kaayos at kaganda ang serye ng kanilang pagmamahalan ayon na rin sa mga rebelasyon ni Ellen Adarna.
Sa simula ay paraiso ang kanilang pinagsaluhan, kaya nga may isang Elias sila ngayon, pero kung paniniwalaan natin ang mga rebelasyon ni Ellen Adarna ay ‘yun din pala ang pinakamadilim na bahagi ng kanyang buhay.
ECQ binutas ang bulsa ng bayan
Umiiyak na ang bulsa at wallet ng marami nating kababayan ngayon. Nu’ng mga unang araw ay hindi pa ramdam ang paggastos nang walang anumang bumabalik pero ngayon ay nangangamba na ang marami.
Nakakadalawang linggo pa lang ngayon ang enhanced community quarantine, may dalawang linggo pa tayong bubuuin, paano kung sa pagdating ng April 14 ay magkakaroon pa pala ng ekstensiyon ang lockdown?
Harinawang sumunod na ang ating mga kababayang pasaway sa ipinagbabawal ng DOH at ng ating pamahalaan. Tantanan na ang paglabas ng bahay, manatili na lang sa kanilang mga tahanan, para hindi na makasilip ng butas ang mga otoridad na palawakin pa ang lockdown.
At pakiusap ng mga doktor, please lang, magsabi ng katotohanan at purong katotohanan lamang sa kanilang pagpapa-check-up. Nasa pagsasabi ang katotohanan ang ating kaligtasan pati na ng mga frontliners na itinataya ang kanilang buhay para sa ating sambayanan.
Maraming buhay na ang nalalagas, napakarami pang nakikipaglaban para mabuhay, huwag tayong tumigil sa pananalangin na sana ay malapit na nating masilip ang isang bagong umaga na ligtas na tayong lahat sa salot.
- Latest