Veteran actor Menggie Cobarrubias, pumanaw sa COVID

Hindi tinanggap nang isugod sa hospital

Pagkatapos pumutok ang balitang na-hospitalize si Iza Calzado dahil sa Pneumonia, kung anu-anong kuwentong kumalat, na kaagad ikinabit sa COVID-19.

Bukod sa ipinost ni Iza sa kanyang social media account, nilinaw din sa amin ng manager niyang si Noel Ferrer na sa ngayon ay Pneumonia ang dahilan kung bakit nasa hospital siya.

Hinihintay pa rin ang resulta ng COVID-19 test, at hindi raw totoong na-ICU siya.

Isang kaibigang nakatira sa condominium na kung saan doon din nakatira ang mag-asawang Ben at Iza Wintle ang nagkuwento sa aming nung isinugod si Iza sa hospital ay kaagad na sinabi raw ni Ben sa presidente ng homeowners ng condominium na tinitirhan nila sa Makati.

Kaagad na ipinag-utos na ipa-home quarantine na ang kapatid ni Iza at mga kasambahay nila para matiyak lang ang kanilang safety kung sakaling COVID-19 nga ito.

May mga kuwentong kumalat na kung saan posibleng nahawa si Iza, pero minabuti naming huwag na lang isulat dahil hindi pa naman nakumpirma kung ano talaga ang karamdaman ng Kapamilya actress. Pero aware na ang mga nakatrabaho niya at pina-practice na rin ng mga taong nakatrabaho at nakasalumuha niya ang self-quarantine.

Kasunod na pumutok na balita ay itong kay Sen. Koko Pimentel na ikinagalit ng karamihan.

Kaagad na ikinalat ng mga netizens na hinihintay na lang nila ang public apology ng naturang senador at ang pag-resign nito. Pero humihingi pa rin siya ng ‘compassion’.

Pero lalo lang kami nagpuyos sa galit nang lumabas na ang balitang pumanaw na ang kapatid ni Ruby Rodriguez na si Dra. Sally Gatchalian.

Isa na namang frontliner ang pumanaw, kaya sinasabi na nga ng karamihan na dapat talaga proteksyunan din natin ang ating mga health workers.

Pero itong ginawa ni Sen. Koko ay malinaw na paglabag sa ipinag-utos ng gobyerno, at sarili lang ang iniisip hindi ang kapakanan ng iba.

Naka-text ko si Pauleen kahapon at kinumpirma na nga raw ni Ruby sa kanya na 6 ng umaga binawian ng buhay ang Ninang Sally nila.

Sandali lang daw sila nagkausap ni Ruby kaya hindi pa raw niya alam kung ano ang plano ng pamilya.

Nakikiramay po kami.

Isa pang nakakalungkot na balitang pumutok kahapon ay ang pagpanaw ng kilalang character actor na si Menggie Cobarrubias.

Kinumpirma ang balitang ito ng asawa niyang si Gina Jorge-Cobarrubias sa kanyang Facebook account, pero hindi naman inilagay ang buong detalye, at kung infected nga ba siya ng COVID-19.

Ayon lang sa nasagap naming kuwento, last week pa raw hindi maganda ang pakiramdam ng aktor.

Isinugod na nga raw siya sa isang hospital, pero hindi na raw siya tinanggap. Pagbalik daw niya ng bahay ay tuluy-tuloy na raw  na masama ang pakiramdam at nilalagnat.

Dagdag na kuwento ni direk Armand Reyes na isa sa mga kaibigan ni Menggie, nag-usap pa raw sila sa Messenger na sinabi sa kanyang nasa Emergency na siya ng isang hospital sa Alabang nung Miyerkules, March 25 ng madaling araw.

Sinabi lang daw sa kanya na PUI siya, pero walang kinumpirmang positibo na siya sa COVID-19.

Pero kinagabihan ay nag-post na ang beteranong aktor sa kanyang Facebook account ng “Good bye”.

Nataranta na ang mga kaibigan niya sa showbiz, at isa na rito ang pinsan niyang si direk Joel Lamangan.

Pati ang FDCP Chairperson Liza Dino ay hindi na nakakatulog dahil sa sobrang pag-aalala sa kalagayan ni Menggie at sa nangyayari na sa atin ngayon.

Kinabukasan, 8: 20 ng umaga ay dineklarang pumanaw na si Sir Menggie Cobarrubias, na ikinalungkot ng showbiz.

Napabalitang nagkaroon siya ng Pneumonia, pero hindi pa kumpirmado kung na-infect ba siya ng COVID-19.

Ang amin pong taus-pusong pakikiramay at pagdarasal sa pagpanaw ni Sir Menggie.

Show comments