MANILA, Philippines — Kinumpirma ni Kapamilya star Iza Calzado, Miyerkules, ang binubunong respiratory illness, dahilan para isugod siya sa ospital sa panahon ng nakamamatay na coronavirus disease (COVID-19).
"I'm currently hospitalized for pneumonia and so, I was tested for Covid-19 and i’ve been waiting for the results for several days now," pagbabahagi niya sa kanyang Instagram post.
Aminado ang aktres na hirap na hirap siya ngayon ngunit hindi raw niya maikukumpara ang pinagdaraanan niya sa mga frontliners na nag-aalaga sa kanya sa ngayon, na maaaring nailalagay din sa panganib.
"My heart goes out to everyone in these trying times, especially those who risk their lives every day to care for their loved ones," dagdag niya.
Umabot na sa 636 ang tinatamaan ang COVID-19 sa Pilipinas, habang 38 na ang namamatay, ayon sa pinakahuling tala ng Department of Health ngayong araw.
Kahapon lang nang ilabas mula sa ospital ang kapwa niya artista na si Christopher de Leon, na kumpirmadong tinamaan ng COVID-19.
"With the grace of God, i can fight this and we all fight this together," kanyang panapos.
Hinikayat din niya ang lahat ng samahan siya sa pagdarasal para sa mga iba pang tinamaan ng sakit, at kanilang mga pamilya na nahihirapan ngayon.
Ang pneumonia, na pinagdaraanan ngayon ni Iza, ay kadalasang pagdaanan ng mga tinatamaan ng nasabing virus.