Napaka-positive at punung-puno ng pag-asa ang pag-uusap namin ni Sandy Andolong nang nakapanayam ko siya sa radio program naming Showbiz Talk Ganern sa DZRH nung nakaraang Linggo ng gabi.
Marami raw siyang dapat ipagpasalamat sa kabila ng mga pinagdaanan nila sa panahon ngayon ng COVID-19.
“I always ask for mercy from God. Kung ano man ang pagkukulang ko, mga kasalanan ko, then at the same time, pray to Him and thanksgiving for all His blessings.
“Whatever situation you’re in. Iyun lang ang ano ko lagi, is always be thankful,” pahayag ni Sandy.
Patuloy siyang nagpapasalamat dahil okay na okay na raw si Christopher de Leon at madalas nga raw silang nagbi-video call, ang guwapo pa rin daw ng asawa niya.
Hinihintay na lang daw nila ang payo ng doktor kung puwede nang i-discharge si Boyet dahil isang test na lang daw ang gagawin sa kanya.
Pero nagpapasalamat si Sandy sa Diyos na nalagpasan nila ito, at ramdam naman daw niyang hindi siya nahawa dahil sa mahigit isang linggong self-quarantine niya sa kanilang tahanan, wala naman daw siyang nararamdamang kahit ano mang symptoms.
Pero kailangan pa rin daw niyang sundin ang 14-day quarantine, kaya hindi raw talaga siya lumalabas ng bahay. At kapag makalabas na raw ng hospital si Boyet, itutuloy pa rin daw niya ang quarantine sa isang kuwarto ng kanilang bahay. “May ready na siyang room sa baba. Kung saan siya nag-stay when he didn’t feel well already.
“Kailangan ikumpleto namin yung 14-day quarantine,” saad ni Sandy.
Ang pakiusap lang ng aktres, itigil na raw sana ang pagkakalat ng mga fake news na kung anu-anong naglalabasang kuwento.
Meron kasing kumalat na meron na raw sa taga-Love Thy Woman na naging positive na rin sa COVID-19.
Regular na nakikipag-communicate ang taga-LTW kay Sandy at wala naman daw sinasabi sa kanyang meron nang naging positive.
Ang alam daw niya ay naka-home quarantine silang lahat, at inoobserbahan naman ng mga taga-ABS CBN.
Nagugulat na lang daw siya na meron pang nagkalat ng kuwentong namatay na raw ang make-up artist ni Boyet na taga-Taytay dahil sa COVID-19. “That’s really really sad. Hindi nakakatuwa, because it’s very stressful for the other person,” malungkot na pahayag ni Sandy.
“They should be very careful of what they post ha? They have to make sure na it’s really true, and it’s a fact. Dapat manggaling sa kinauukulan. They cannot just post anything,” dagdag niyang pahayag.
Hindi siya naniniwalang may nag-positive o nahawa sa mga nakatrabaho ni Boyet sa Love Thy Woman. “Actually, kung meron mang dapat na tamaan diyan, ako yun eh. High-risk ako eh, because I’m a kidney transplant patient, at saka I’m always in contact with Bo the whole time.
“Iyun ang basis ko ngayon eh. I’m okay. If I’m okay, dapat na mas pa ‘yung any normal people na nakahalubilo niya. Eh araw-araw sa akin umuuwi eh,” napapangiting pahayag ni Sandy.
Kaya sana tigilan na raw ang pagkakalat ng kung anu-anong tsismis dahil hindi naman nakakatulong.
Naniniwala din si Sandy na kung sakaling meron mang mag-positive, ihahayag dapat ito para maging aware daw ang mga taong nakahalubilo nito.
Kaya si Sandy talaga ang nagkumbinse kay Boyet na dapat ilabas na sa publiko at amining naging positive siya sa COVID-19.
Gusto lang magpasalamat ni Sandy sa lahat na mga doktor, nurses at iba pang staff ng hospital na nag-asikaso sa asawa niya.
“Sabi nga Bo, they’re so patient, they’re all so nice, and ‘yung concern nila is very sincere.
“So, I thank all of them, dun sa hospital na who take care na not only of my husband, but lahat na pasyente na sina-sacrifice nila ang sarili nilang health,” seryosong pahayag ni Sandy.