Papagaling na
Napaka-inspiring ng text sa akin ni Sandy Andolong nang kumustahin ko siya kahapon.
Alam naming okay na ang kalagayan ni Christopher de Leon na nasa hospital pa.
Ang isa pa kasing inaalala namin ay si Sandy na dumaan sa kidney transplant ilang taon na ang nakaraan.
Kahit nga sa taping niya ay hindi siya ini-expose sa mga maruruming lugar. Kaya pinag-iingat talaga siya.
Tinext ko siya kahapon para kumustahin sila ni Boyet, natuwa ako sa sagot niya sa akin. “Gorgy, malakas pa ako sa iyo o kay Nay Lolit (Solis,laugh emoji).
“This coming week labas ni Bo. Tingnan nila test result niya uli sa COVID kasi mukhang rhinitis at allergy lang yung nakita, no other symptoms.
“Kahit mag-positive, pa-uuwiin din siya para sa house na mag-quarantine for another week. Di na necessary daw to stay sa hospital dahil malakas siya.”
Richard hindi takot ma-virus, makatulong lang
Medyo emotional ang kilalang character actor na si Richard Quan nang nakapanayam namin sa radio program namin sa DZRH nung nakaraang Sabado ng gabi.
Pinag-usapan namin ang proyekto nila ngayon kasama si Ice Seguerra at ilan pang mga kaibigan na kung saan nagbibigay sila ng tulong sa mga nangangailangan na wala talagang magawa dahil sa Enhanced Community Quarantine.
Bahagi si Richard sa grupo nilang Volunteer Corps PH na binuo ni Ice Seguerra kasama ang ilan pa nilang kaibigan.
Ilan daw sa nag-volunteer na rin sa kanila ay sina direk Dan Villegas, Antoinette Jadaone at ilang kaibigang doktor.
Tinatrabaho na rin nila ang Adopt a family na kung saan magbibigay rin ng tulong sa mahihirap na pamilya na talagang kinakapos dahil sa tigil-trabaho. “Very critical ang sitwasyon natin at obviously, ang daming nangangailangan ng tulong talaga,” pakli ng aktor
Si Ice daw ang nagtatrabaho sa paghahanap ng donasyon at siya naman ang nagtatrabaho sa labas, na kung saan personal niyang dinadala ang mga tulong sa mga lugar na maraming may nangangailangan.
Kamakailan lang ay nagdala raw sila ng food packs sa grupo ng mga PWD sa Project 4, at pati sa mga Golden Gays sa Pasay City at iba pang mga taong nangangailangan sa ilang barangay.
Kaya kailangan daw nilang iparating sana sa lahat lalo na sa mga kapwa artista na kung puwedeng magpahatid din sila ng tulong sa kahit ano ang puwede lang nilang makakaya. “Kaya gusto kong iparating sa mga kababayan natin na to help in what capacity you can. Hindi talaga kakayanin. Somehow nagkakaroon talaga ng pagkukulang kasi sa dami, sa bigla eh. Wala namang nakahanda nito eh.
“Sa mga kapwa ko artista…celebrity. If you can find time, o kahit simpleng pagpu-post lang…obviously karamihan sa mga kapwa artist natin wala dun sa battleground.
“I can guarantee you kung gaano ka-desperate yung sitwasyon sa battleground,” pahayag pa ni Richard na battleground ang tawag niya sa mga lugar na talagang nangangailangan, at pati sa mga checkpoints at mga hospitals na kung saan doon humaharap ang mga ating mga frontliners.
Sa mga interesadong magpadala ng tulong, puwede raw i-check sa kanilang Facebook account.
“They can look sa Facebook ng Volunteers Corps PH o kahit sa Facebook ko o sa Instagram, Richard Quan, puwede rin po yun,” saad ng aktor.
Hindi na raw niya iniinda ang takot na posibleng mahawaan siya ng COVID-19 dahil siya ang lumalabas at humaharap sa mga taong tinutulungan. Pero wala naman daw magawa kundi tumulong.