MANILA, Philippines — Pinabulaanan ng komedyanteng si Ruby Rodriguez ang mga bali-balitang pumanaw na ang doktorang kapatid na tinamaan ng coronavirus disease (COVID-19).
Sa kanyang Twitter, binasag ni Ruby ang kanyang katahimikan habang pinasisinungalingan ang mga kumakalat na ugong-ugong.
"[K]umakalat ang fake news at tine-text na ako ng pakikiramay ng mga tao. Nakikiusap ako, lumalaban [pa] siya! Mahina pero stable. Utang na loob," sabi ng aktres sa Inggles.
"Naging tahimik ako sa estado ni Dr. Sally Gatchalian. Oo, kapatid ko siya. Oo, confined siya. Nagdarasal kami at takot."
I have been quiet all this time about Dr Sally Gatchalian status. Yes she is my sister. Yes she is confined. Yes we all are praying and scared. But when Fake News spreads and people texting me Condolences. I Ask Please She is fighting! She is weak but stable. Please ????????
— ruby rodriguez (@rodriguezruby) March 21, 2020
Linggo kasi nang kumalat ang tweet na namatay na ang kapatid na doktora ng "Eat Bulaga!" host, bagay na walang katotohanan.
"T*ng*na... the president of the Philippine Pediatric Society just passed away from COVID-19 :( May she rest in peace," sabi ng paskil.
Si Gatchalian, na isang doktora, ang presidente ng naturang samahan ng mga pediatrician (espesyalista sa mga bata).
Umani naman ng suporta si Ruby sa pinagdaraanan ng kanilang pamilya mula sa netizens, pati na rin sa mga kasama niya sa mundo ng showbiz.
"Binubulabog ko ng dasal ngayon ang langit para sa 'yong kapatid at inyong pamilya, para sa lahat ng tinamaan ng sakit na ito at kanilang mga kaanak," tugon ng mang-aawit na si Leah Navarro.
"Panatilihin ang pananampalataya, manatiling ligtas, manatiling malusog."
Storming heaven with prayers for your sister and for your family, for everyone with this terrible disease and their families. Keep believing, keep safe, keep healthy.
— Leah Navarro (@leahnavarro) March 22, 2020
Umabot na sa 380 ang tinatamaan ng COVID-19 sa Pilipinas, 25 sa kanila ang patay na, dahilan para mailagay din sa peligro ang buhay ng ilang doktor.
Biyernes nang bawian ng buhay ang isang cardiologist fellow (doktor sa puso) matapos mahawaan ng naturang pathogen, sabi ng Philippine Heart Association sa isang pahayag.
Kasalukuyan naman naka-quarantine ang 530 staff ng University of Santo Tomas Hospital matapos makasalamuha ang ilang COVID-19 patients at patients under investigation.
Umabot na sa 266,073 na ang nahahawaan ng sakit sa buong mundo, habang 11,184 na ang namamatay, ayon sa pinakahuling ulat ng World Health Organization.
Humihiling naman ngayon ng karagdagang kapangyarihan ang Malacañang sa Konggreso upang mas mapahusay diumano ang pagsawata sa pagkalat ng virus.
Kasalukuyang nasa ilalim ng enhanced community quarantine ang buong Luzon, dahilan para paghigpitan ang paglabas sa mga bahay habang suspendido pa rin ang lahat ng pampublikong transportasyon.