Manager/member ng Mulatto Band Patay sa COVID!
Lalong natataranta ang karamihan sa showbiz nang mabilis na kumalat ang balitang may taga-entertainment business na pumanaw dahil sa COVID-19.
Ang actor/director na si Ricky Davao ang unang nag-tweet na pumanaw na ang miyembro at music manager ng bandang Mulatto na si Joey Bautista.
Kaibigan ni direk Ricky si Joey at lalo siyang natakot sa pagkalat ng COVID-19 dahil may kilala na siyang pumanaw sa nakakatakot na virus na ito. “Kasi parang malapit na sa atin di ba? Meron na tayong nakilalang namatay na,” bulalas ng actor/director.
Hinihintay pa sana namin ang announcement mula sa pamilya ni Joey Bautista, pero marami na raw sa close friends nila ang nakaalam at kumalat na sa social media.
Ayon sa kuwento ni direk Ricky, three days ago lang daw na-confine sa hospital si Joey dahil nahihirapan na raw itong huminga.
Kaagad na nag-flatline daw ito pagpasok sa hospital at bumigay na siya.
Isa sa paboritong banda ni direk Ricky ang Mulatto at pinupuntahan pa raw niya ito sa ilang gigs nila.
Kapag nakita raw ito ni Joey, kaagad na tinatawag daw siya para maki-jamming.
Kaya naapektuhan ang actor/director sa biglaang pagpanaw ng kaibigan niyang singer lalo na’t alam niyang hindi na ito ibuburol at kaagad na iki-cremate ito.
Nakikiramay po kami.
FDCP naghahanap ng pantulong sa mga maliliit na artista
Dahil sa hirap na pinagdadaanan ngayon ng lahat na mga nagtatrabaho, pati ang mga maliliit na film workers, may inaayos ngayon si FDCP Chairperson Liza Dino na programa na kung saan mabibigyan ang mga trabahador ng pera habang wala pa silang kinikita.
Nakausap namin si Liza sa radio program namin sa DZRH kamakalawa lang at inaayos na raw nila ngayon ang mga polisiya nito para maaprubahan agad ng board.
“We’re creating a program right now under the National Registry to support our film workers especially yung mga no work no pay.
“Yung mga talagang…hindi talaga sila regular employees. ‘Yung hindi talaga sila nasa payroll ng mga production.
“Ito ‘yung mga nasa low income…kasi maliit lang talaga ang budget. So, we’re reallocating some of our budget to create a fund para dito,” pahayag ni Liza.
“We’re finalizing the policies and sana and in the next days mapa-approve namin at makatulong tayo kahit konting financial assistance especially sa mga crew, mga grips, mga production assistants, make up artists na umaasa lang talaga sa mga soaps, mga ganyan,” dagdag niyang pahayag.
Gagawin naman daw nilang madali lang sa lahat na kung saan idadaan lang online, basta mapatunayan mo lang na meron ka talagang trabaho na hindi lang natuloy dahil nga dito sa COVID-19.
Ang isa pa sanang binabalak ni Liza ay baka meron daw mga malalaking aritstang makapagbigay ng donasyon para pandagdag pondo na ibibigay sa mga maliiit na trabahador.
“Baka mag-open ako ng donation…ng fund, kung puwede kami magpa-donate sa mga gustong tumulong to give to our workers.
“I will tap the support po sana yung mas may kaya na mga artista.
“Baka puwede po kayo makiambag sa fund na iri-raise namin para po sa ating mga filmworkers na nangangailan. If there’s a process for this, maayos ang proseso nito, makakasigurado po kayo na mapupunta po ito sa lahat na taong nangangailangan sa industry na ngayon ay hindi nila alam kung saan nila kukunin ang pambayad ng kuryente, renta at iba pa,” saad ni Liza Dino.
- Latest