Radio anchors na mahilig mang-alipusta ng gusto, nabiktima ang aktor pulitiko!
Matindi ang inis ng isang source na malapit sa isang kilalang aktor-pulitiko sa magka-partner na radio anchors ng isang network.
Nakarating kasi sa very close na source sa actor-politician na pinagtatawanan ng magkapareha ang pulitiko. Kung anu-ano ang sinasabi ng mga ito sa halip na turuan at itama ang mga sumasablay na salita ng aktor-pulitiko.
Kuwento mismo ng source na malapit sa kilalang politician, “Akala mo naman kung sino na silang perpekto! Hindi ba sila nagkakamali sa pagsasalita nila ng English? Bakit, mga Amerikano ba tayo?
“Kung sumasablay man sa pagsasalita ng English ‘yung ini-interview nila, e, dapat na ba nilang pagtawanan ‘yung tao? Alam naman nila kung saan nanggagaling ang kausap nilang pulitiko!
“Lumaban lang siya sa buhay, nangarap, nagsikap, hanggang sa maabot na niya ang posisyong hinahawakan niya ngayon! Instead na naging masaya sila dahil nagtagumpay sa paglaban ‘yung tao, e, pagtatawanan pa nilang dalawa?
“E, bakit pa kasi nila gustung-gustong iniinterbyu ‘yung politician kung ganu’n naman pala at pinagtatawanan lang nila? E. may choice naman sila, di huwag nilang kausapin!” inis na inis na komento ng source na nagmamahal sa aktor-pulitiko.
Hindi lang pala sa aktor-pulitiko nangyari ang ganu’ng sitwasyon sa mga kamay ng magkaparehong radio anchors. Marami na rin palang sumasama ang loob sa magka-partner.
Sabi naman ng isang impormante, “Palagi naman silang ganu’n! Kapag ayaw nila sa iniinterbyu nila, e, wagas ang pambabara nila! E, bakit pa nila hinihingi ang side ng interviewee nila kung ipapahiya lang naman pala nila sa ere?
“Ganu’ng ganu’n din ang ginawa nila nu’n sa isang controversial na politician, porke ayaw nila, e, ipinahiya rin nila sa ere! Totoo, akala mo kasi mga kung sino ang mag-partner na ‘yun!” madiing dagdag na impormasyon ng aming source.
Ayon sa source ay madaling hulaan kung sinu-sino ang mga radio anchors na mahilig pagtawanan ang kanilang mga iniinterbyu.
Diretsong komento ng source, “’Yung babae, e, akala mo isang kilo ang pilikmata! Hindi siya kagandahan, pero kung magsalita siya, e, para siyang beauty queen sa kagandahan!
“’Yung male anchor naman, e, umaasta nang poste siya ng news ng network nila, samantalang hindi naman, ano ba ang amoy ng isang nalalasing? ‘Yun ang apelyido niya!” inis na inis pa ring pagtatapos ng source na nagmamahal at nagmamalasakit sa isang actor-politician.
Ubos!
Take It… sumunod sa protocol, viewers sa abroad lungkot na lungkot
Tinitipa namin ang kolum na ito ay nagsasalimbayang tawag at text ang kailangan naming sagutin. Hindi lang sa mga kababayan natin dito sa Pilipinas nagmumula ang mensahe, maging sa iba-ibang bansa man, bakit daw hindi nila napapanood ang Take It, Per Minute... Me Ganu’n?
Lunes pa lang nang hapon, sa Cristy Ferminute, ay nag-anunsiyo na kami na hindi sasahimpapawid ang nangungunang digital show.
Kailangan naming sumunod sa protocol, masidhi ang paalala-anunsiyo ng DOH tungkol kahalagahan ng social distancing, hindi puwedeng magtabi-tabi sa isang lugar lang ang maraming tao.
Hindi kalakihan ang ginagamit naming set sa Take It, Per Minute... Me Ganu’n, bahagi lang ‘yun ng aming gallery, kung kaming tatlo nga nina Manay Lolit Solis at Mr. Fu ay hindi na makasusunod sa social distancing ay paano pa ang mga kaibigan naming nakasanayan nang dumalaw sa digital show tuwing Martes nang tanghali?
Nakakalungkot ang mga mensaheng tinatanggap namin, si Pixie Jude ng Norwich, England ay nagsabi, “Kayo na nga lang ang nagiging stress reliever namin dito, hindi pa pala namin kayo mapapanood? Paano na ang lungkot din namin dito na kayo lang ang nagtatanggal?”
Reaksiyon naman ni Lesly Grace Advincula ng Hainan, China, “Mahigit na one month na kaming lockdown dito, nasa house lang kami, bawal lumabas. Pero dahil sa CFM at TIPMMG, nakararaos kami sa araw-araw na sobrang lungkot. Matapos na sana ang COVID-19 na ito.”
Si Vangie Caperal Aleemi naman ng Virgina, USA ay naghihimutok, “Kayo na nga lang ang nagtatanggal ng stress namin, kayo ang nagpapasaya sa amin, paano na kami ngayon?
“Gusto ko na uling humalakhak despite the COVID-19, mami-miss ko ang mga blind items n’yo na ibinubuking ni Manay Lolit! Balik kayo agad, ha?” sabi ng aming kaibigan.
Ikinalulungkot namin ang mga ganu’ng mensahe, nasanay na rin kami nina Manay Lolit at Mr. Fu na kasama sila sa aming digital show, pero wala kaming pamimilian kundi ang sundin ang ipinag-uutos ng DOH dahil sa pinaiiral na enhanced community quarantine sa ating bayan.
Salve Asis, makabalik na sana tayo agad, may lagnat na ang bayan sa Take It, Per Minute... Me Ganu’n.
Hanggang sa muli, maraming-maraming salamat po, at dobleng ingat tayo sa mga panahong ito.
- Latest