Christopher de Leon positibong may COVID-19

"Today, our doctor confirmed that I have COVID-19," sabi ng beteranong aktor sa kanyang Instagram account, Martes ng gabi.
File

MANILA, Philippines — Kinumpirma na ng aktor na si Christopher de Leon ang mga bali-balitang dinapuan siya ng kinatatakutang coronavirus disease (COVID-19), bagama't wala siyang recent history ng paglabas ng bansa.

"Today, our doctor confirmed that I have COVID-19," sabi ng beteranong aktor sa kanyang Instagram account, Martes ng gabi.

Pagtataka pa niya, wala rin siyang nalalaman na may nakasalamuha siyang nagpositibo sa virus.

Una nang sinabi ng Department of Health na may sustained community transmission na ng nakamamatay na sakit sa Pilipinas, kung kaya't positible ang mga ganitong pangyayari.

Kalakip ng kanyang paskil at rebelasyon ang isang sipi mula sa bibliya, kung saan tila ipinagpapasa-Diyos niya ang kanyang paggaling.

Pangamba pa ni "Boyet," napakarami niyang nakasalamuha nitong mga nakaraang panahon lalo na't isa siyang artista.

"I therefore ask anyone who has come in contact me within the last week or two to observe stringent self-quarantine, observe for symptoms and follow the triage procedures published by the [Department of Health], whether asymptomatic or not," dagdag niya.

Sa ngayon, naka-self quarantine naman ang kanyang may-bahay na si Sandy, anak na si Mica at kanilang kasambahay sa kanilang tirahan.

"In this time of trial, we ask for your prayers and we continue to praise and thank the Lord for His goodness in our lives," saad pa niya.

Sa huling tala ng DOH, pumalo na sa 187 ang COVID-19 infections sa Pilipinas, 12 sa kanila ang namamatay na.

Show comments