Phenomenal award lumipad kay Alden!

Alden

Dapat sana noong Linggo ng gabi, kasama si Kathryn Bernardo ay may isang samahan na magdedeklara kay Alden Ri­chards bilang isang phenomenal star. Sa tingin kasi nila, talagang isang pheno­menon ang pelikulang ginawa ng dalawang star na ang kinita sa takilya lamang ay umabot nang mahigit sa isang bil­yon. Iyong kabuuang kita ng Metro Manila Film Festival, at iyon ay binubuo ng walong pelikula, pero hindi pa uma­bot sa ganoon kalaki. Pero isang pelikula lang nila, mahigit isang bilyon na.

Hindi naman nakakapanibago iyon dahil ang isang naunang pelikula ni Kathryn kung saan katambal naman niya si Daniel Padilla, halos umabot na rin sa isang bilyon ang kita.

Kailangan sana ni Alden ang ganoong klase ng parangal dahil matapos ang tambalan nila ni Kathryn, hindi na maganda ang resulta ng kanyang ginawang serye sa telebisyon. Hindi iyon naka-abante sa mga nakalaban niyang serye.

Siguro nga masasabing title lang naman iyon, pero malaking boost sana iyon sa career ng actor. Makapagpapalakas iyon ng loob ni Alden, kaso dahil nga sa community quarantine na kailangang ipatupad dahil sa COVID-19, naudlot ang awarding ceremony at mukhang hindi na nga matutuloy.

Siguro ibibigay na lang sa kanila ang mga tropeo, pero baka wala na silang awards night. Eh tiyak namang malaki na ang gastos ng organizers noon sa hindi natuloy na awards night nila. At dahil iyon ay isang foundation na ginagawa rin ang awards bilang fundrai­sing ng foundation nila, mahirap namang itapon nilang lahat ang kanilang kinita.

Siguro nga masasabi na­ting sayang. Baka hindi na maulit ni Alden ang pagkakataong iyan. Gagawa pa ba sila ng pelikula ni Kathryn? At kung sakali man, ganoon din kaya kalaki ang kikitain noon, lalo na ngayon at matunog ang balita na baka mag-asawa na rin si Kathryn?

Noon namang araw na iyon enjoy na enjoy si Kathryn na kasama sa beach ang kanyang boyfriend na si Daniel Padilla habang si Alden siguradong pinanghihinayangan ang tatanggapin sanang award.

AiAi, binenta sa simbahan ang mga alcohol

Hindi naman siguro dapat na paghinalaan si AiAi delas Alas na nagho-hoard ng alcohol at hand sanitizer para pakinabangan. Nilinaw naman niyang totoong siya ang kumuha ng mga iyon mula sa isang supplier na kilala niya, at totoong ipagbibili niya iyon. Pero ang bibili naman daw noon sa kanya ay mga simbahan. Inutusan din kasi ang mga simbahan na maglagay ng alcohol sa kanilang mga pinto bilang bahagi ng pag-iingat laban sa COVID-19. Siguro naman alam na ninyo kung gaano karami ang kailangan nila.

Natural hahanap sila ng mas murang supplier, at doon nga pumasok si AiAi. Baka nga ang iba roon hindi na niya ipinagbibili at donation na lang niya lalo na sa mahihirap na parokya.

Show comments