Nagka-anxiety agad si direk Joel Lamangan sa unang araw pa lang ng community quarantine.
Ngayon lang daw kasi nangyari sa tanang buhay niya na wala talaga siyang gagawin.
“Paggising ko kaninang umaga, nakaramdam ako ng anxiety,” bulalas ni direk Joel sa tsikahan namin nung nakaraang Linggo.
Malapit lang kasi si direk sa bahay namin, kaya nagulat ako nang nakita ko siyang kumakatok siya sa gate namin, dahil pinapunta raw siya ni direk Armand Reyes na nagtrabaho muna sa bahay.
“For the first time in my life, wala akong gagawin. Wala akong trabaho. Hindi pa iyon nangyari sa buong buhay ko.
“May susulatin akong script, kaya lang, ayoko munang simulan. Baka bukas, tapos ko na,” dagdag niyang pahayag.
Kinukuwento nga niyang meron daw silang group chat ng iba pang direktor na kung saan doon sila nagtsitsikahan at ng mga latest updates nila.
Ang tawag daw nila sa grupo nila Dalagitas.
Nagkukumustahan daw sila kung meron ba silang gagawin, pare-pareho raw ang sagot nilang “wala!”
Kaya naisip daw niyang mag-grocery na lang siya sa Cash and Carry. Hindi naman daw siya nagpa-panic buying dahil ginagawa naman niya ito weekly, pero wala siyang magawa kundi napasabay siya sa mga nagpa-panic buying.
Hindi na raw siya nagulat na wala na siyang makuhang alcohol. “Nagulat ako, ubos din ang Delimondo na corned beef. Meron pa namang toilet paper. Ang nalokah ako, walang gawgaw. Ubos ang gawgaw!” tili ni direk Joel.
“Bumibili ako ng gawgaw para sa polo ko, lalagyan ng gawgaw para matigas ang collar. Inaalmirol.Lumaki ako sa almirol. Iyong lola ko, inaalmirol lahat ng polo ko. Iyong mga napkin sa mesa, nakaalmirol ‘yon.
“Pag meron akong guests, pinaaalmirol ko ‘yung mga napkin. Wawalu-walo lang ang mga ‘yon, inaalmirol na ganyan para tumayo. Tsuk!
“Bilin ng katulong kaninang paalis ako, ‘Wala na pong almirol! Wala na pong gawgaw!’
“Kaya pagdating ko sa Cash n’ Carry, nalokah ako. ‘Bakit wala nang gawgaw? Bakit naubos ang gawgaw?’
“Bakit kaya? Bakit walang gawgaw? Bakit naubos na? Lahat ng tao ba, mag-aalmirol?”
Sa ganitong pagkakataon, nagkakaroon na talaga ng sapat na panahon na makatalamitam ang mga kaibigan at marami kayong bagay na malalaman sa isa’t isa.
Dahil mala-lockdown na rin sa loob ng bahay, nagkakaroon na rin ng maraming oras na maka-bonding ang pamilya mo na hindi mo gaanong nabibigyan ng sapat na panahon dahil sa abala sa trabaho at hindi nagtutugma ang schedule.
Marami talaga tayong matutunan sa pagsalanta ng COVID-19. Pero ang dalangin ng lahat na sana matapos na agad at huwag nang ma-extend ang isang buwang community quarantine.
Makiisa po tayo sa pagdarasal ng Oratio Imperata kapag kinakalembang ang kampana ng alas-dose ng tanghali at alas-otso ng gabi.
Wowowin, iba na ang mga pakontes
Hanggang ngayong araw ay regular programming pa rin ang mapapanood sa GMA 7 dahil meron pang nakabangko na episodes na nai-tape na.
Hindi na nga lang live ang Eat Bulaga, pero pagkatapos nito ay kasunod na ang Magkaagaw, ang Prima Donnas, Bilangin ang Bituin sa Langit at ang mga hindi pa napanood na segment ng Wowowin.
Pagdating ng gabi pagkatapos ng 24 Oras, ganun pa rin naman ang mapapanood sa GMA Telebabad, ang Descendants of the Sun, Anak ni Waray Vs. Anak ni Biday, Love of My Life at The Last Empress.
Samantala, sa darating na Sabado March 21 ay bagong episode ng Wowowin ang mapapanood. Sabi ni Willie Revillame, wala raw audience pero may mga bago silang segment at pakontes. “Meron kaming Tutok to Win na kahit nasa bahay lang sila, puwede silang manalo,” bahagi ng text message sa amin ni Willie.