PSN nakasabay ng That’s noon!

Betty Go Belmonte

Parang napakabilis ng panahon, 34 years na pala ang nakaraan simula nang buksan ang Pilipino Star NGAYON.

Katatapos lang ng People Power Revolution noon, nang maisip ng publisistang si Mrs. Betty Go Belmonte, kasama ni Fr. Jose Blanco Sj, at si Tess Ramiro na kinatawan ng isang samahang Katoliko na bumuo ng isang diyaryo para sa masang Pilipino.

Kaya nga noong Marso 17 ng taong 1986, lumabas ang unang issue ng Ang Pilipino Ngayon.

Nang malaunan, nang ilabas na ang kapatid na diyaryo ng Pilipino Ngayon na Philippine Star, binago ang pangalan ng diyaryo at ginawang Pilipino Star Ngayon.

Ang karanasan ng pamilyang Belmonte sa pahayagan ay nagsimula pa sa kanilang mga ninuno. Ang ama ni Betty Go Belmonte na si Go Puan Seng ang publisista ng isang  pahayagang Tsino sa Pilipinas, ang Fookien Times.

Siya ay kinilala ring isang ba­yani dahil sa kanyang mga panulat noon laban sa mga Hapones, at ang pagtulong sa mga gerilya noong World War II.

Bago ang martial law, ang kanyang anak na si Andrew Go ang nagsimula ng Philippine Daily Star at Pilipino Star na naging mga pangunahing tabloid noon, nguni’t natigil noong ideklara ang martial law noong 1972.

At ang mga iba pang pangyayari ay bahagi na ng kasaysayan.

Dito na lang tayo sa Pilipino Star Ngayon.

At ano nga ba ang pinaka-malalaking showbiz happenings na nakasabay ng Pilipino Star Ngayon nang mag-umpisa ito.

Noong 1986 sinimulan ng master showman na si German Moreno ang kanyang malaganap na programa sa telebisyon, ang That’s Entertainment. Nang malaunan, si Kuya Germs ay naging kolumnista rin ng Pilipino Star Ngayon.

Kasabay din ng Pilipino Star Ngayon, sinimulan ang sinasabing highest ra­ting musical variety show noon sa telebisyon, ang Vilma, na nasa GMA 7 na rin. Bago iyan, may show rin si Vilma sa BBC 2, na nagsara naman matapos ang rebolusyon.

Noong taon ding iyon, nagsimula ang show ni Sharon Cuneta sa IBC 13. Ang show ni Sharon ang naging flag carrier ng network.

Noong 1986 din nang muling nagbukas ang ABS-CBN, nang ibalik ni Presidente Cory sa pamil­ya Lopez ang kanilang nasarang network, gamit naman ang equipment ng BBC 2 na na-sequester at ipinasara ng gobyerno.

Pero noong 1986, masasabi nga sigurong ang pinaka-malaking istorya sa showbiz ay nang big­lang sumabog ang balita na nabuntis si Pops Fernandez ng noon ay kanyang television loveteam na si Martin Nievera.

Pumutok ang kuwento sa showbiz page ng Pilipino Star Ngayon, at ang kasunod ay ang mabilisang pag-aayos ng kanilang kasal na ginanap noong June 28, 1986 sa Sanctuario de San Antonio sa Forbes Park, Makati. Sinundan iyon ng isang pelikula nina Pops at Martin, pero hindi gaya ng pelikula, silang dalawa ay hindi “nag-live happily ever after”.

Noong Oktubre 25, 2000, idineklara ni Judge Leticia Morales ng Regional Trial Court sa Makati na walang bisa ang kanilang kasal, dahil sa psychological incapacity nilang dalawa rin.

Noong panahong iyon, walang “fake news”. Hindi ka puwedeng gumawa ng fake news dahil oras na gumawa ka noon, wala ka nang trabaho kinabukasan.

Hindi ka rin puwedeng maputukan ng istorya o “makuryente” dahil ang kasunod noon suspindido ka.

Ganyan ka-responsable ang mga lehitimong diyaryo kagaya ng Pilipino Star Ngayon.

Hindi kagaya ngayon, nagkalat ang fake news sa social media. Minsan nga kinokopya na lang mali pa eh. Pero wala kang mahahabol.

Sa kabila ng batas, mahirap mong habulin ang mga nagbabalita nang mali sa social media dahil hindi naman nila gamit ang tunay nilang pangalan, at kung sakali naman, hindi mo alam kung saan mo sila hahanapin. Kaya ano man ang sabihin, lumalabas na mas mapagtitiwalaan pa rin ang mga lehitimong diyaryo kagaya ng Pilipino Star Ngayon.

Hindi rin naman masasabing basta diyaryo ay mapagtitiwalaan.

Mayroong ding pabaya. Ang dapat tingnan ay iyong mga diyaryong may lehitimong pinagmulan. Iyong mga diyaryong may pinangangalagaang pa­ngalan sa kasaysayan. Diyan kabilang ang Pilipino Star Ngayon.

Maligayang ika 34 na taon ng paglilingkod at paghahatid ng lehitimong balita sa sambayanang Pilipino.

Show comments