Magtatambal uli sina Sam Milby at Yassi Pressman sa isang original series ng iWant, The Tapes, na kuwento ng mga sikretong bumabalot sa isang kasong hindi malutas-lutas na mapapanood simula Marso 18 (Miyerkules).
Nagtambal na dati ang dalawa sa pelikula noong 2018, Pambansang Third Wheel.
Gaganap sa sina Sam at Yassi bilang sina Sonnyboy at Alice, magka-partner na pulis sa isang tahimik na bayan. Mabubulabog ang mga buhay nila sa pagdating ng misteryosong tapes na naglalaman ng nakakagimbal na videos na may kinalaman sa kaso ni Judy, isang babaeng matagal nang nawawala sa kanilang lugar.
Para makahanap ng mga sagot, itatago ng dalawa ang mga tape mula sa mga awtoridad at lihim na iimbestigahan ang bagong ebidensyang natanggap nila. Ngunit sa pagdami ng kanilang matutuklasan dahil sa napapanood sa mga tape, mapapalapit din sila sa madidilim na sikretong pilit na itinatago sa kanilang bayan.
Idinirek ito ni Bradley Liew, ang Malaysian-born at Philippine-based director ng horror film na Motel Acacia na kasalukuyang napapanood sa mga sinehan sa bansa at unang ipinalabas sa 32nd Tokyo International Film Festival. Noong 2016, ipinalabas ang una niyang pelikulang Singing in Graveyards sa Venice International Film Festival.
Ang panonood sa mga online streaming ang pinagkakaabalahan ngayon ng mga tao matapos ngang mag-declare ang pangulo ng community quarantine sa buong NCR dahil sa coronavirus.
Anyway, hinihintay, magsalita si Sam tungkol sa issue na for real na ang relationship nila ni former Miss Universe Catriona Gray.