Aktres tuloy pa rin ang ‘drama’ pag gustong magkasakit!

Para sa mga nakakaalam ng kuwento ay pasumpung-sumpong lang naman ang balak na pagbabalik sa harap ng mga camera ng isang kilalang female personality.

Maraming nanghihinayang sa kanya dahil minsan na niyang hinawakan ang isang titulong bibihira lang ang nabibigyan. Napakasuwerte niya sa pagkakaroon ng ganu’ng titulo sa kanyang career.

Kuwento ng isang source, “‘Yun ang time na talagang siya ang paborito ng network niya, hindi na halos siya nagpapahinga sa dami ng trabaho niya. Ano bang katatapos pa lang ng isang serye niya?

“May kasunod na agad ‘yun! At nagre-rate ang mga seryeng ginagawa niya, kaya nga binigyan siya ng titulo bilang chuva tienes ng istasyon nila, e!

“Inalagaan na sana niya ‘yun! Pero iba ang nangyari, nakakapanghinayang siya!” unang sultada ng aming impormante.

Pagkatapos nang mahabang panahon ay kung anu-ano na ang pinaggagagawa niya, nand’yang bigla na lang siyang nagkakasakit sa gitna ng taping at shooting, kung minsan nga ay hindi na siya nagpapaalam sa produksiyon dahil sobra na raw ang nararamdaman niyang sakit.

Balik-kuwento ng aming source, “At kaya niyang i-defend ang ginawa niyang pag-aalsa-balutan sa trabaho, meron siyang explanation na kapani-paniwala, dahil sa isang misteryosong medical book na iniingatan niya!

“Mawawalan ng isang gulong ang van niya, pero hindi niya maiiwanan ang medical book na ‘yun, palagi niyang dala-dala ‘yun sa kahit anong linya ng trabaho niya!

“Tagapagligtas kasi niya ang book na ‘yun kapag bigla na lang siyang nabuburyong sa pagtatrabaho, may topak siya, as in, matinding topak!

“Bigla na lang niyang sasabihan ang PA niya na ligpitin na ang mga kagamitan niya, aalis na raw sila, walang magawa ang kanyang alalay kundi ang iligpit na lang ang mga stuff niya!

‘Yun lang at sasabihin na niya sa kanilang EP na meron siyang ganito at ganyan! Delikado raw ang ganu’n, baka raw maospital pa siya kung hindi papayagang umalis!

“Natural, syukot ang EP, kaya wala siyang choice kundi ang payagan na lang na umalis ang girl na napakasaya nu’ng dumating sa location, pero bigla ring nagkasakit nu’ng bandang hapon na!

“Nakakaloka! Kaya kung totoong gusto na niyang bumalik, e, itapon na niya ang mahiwagang medical book na ‘yun! Kailangang mawala na sa buhay niya ang librong pinag-uugatan ng mga dahilan kung bakit bigla na lang siyang nagkakasakit!” napapailing na pagtatapos ng aming impormante.

Ubos!

Mister ni AiAi certified na ang pagiging kapitan

Mula ngayon ay palagi nang may nakakabit na name plate sa dibdib ng mister ni AiAi delas Alas. Captain Gerald Sibayan.

Ganap na piloto na nga ngayon ang binatang nakilala ng Comedy Concert Queen sa badminton court. Malayo ang agwat ng kanilang edad, nang magpakasal sila ay isa lang ang nabuo sa utak ng mga mapanghusga, peperahan lang si AiAi ng binata.

Balat-sibuyas pa nga ang komedyana, dine­depensahan pa niya si Gerald, pero ang kanyang mister ay napapangiti lang. Kunsensiya kasi nito ang nagsasabing mali ang paghusga sa kanya.

Pagkatapos nilang magpakasal ay nagtrabaho bilang coach ng national team ng badminton si Gerald kasabay ang pag-aaral nito sa De La Salle University.

Nakapagtapos si Gerald, proud na proud si AiAi, naging saksi kasi siya sa paggising nang madaling-araw ng kanyang mister para hindi masapul ng traffic sa pagpasok.

Napakalayo ng distansiya ng kanilang bahay sa Quezon City sa Taft Avenue, pero araw-araw na ganu’n ang rutina ni Gerald, nagsikap talaga itong makapagtapos.

Hanggang sa nag-aral na ng pagpipiloto ang kanyang mister, madalas silang hindi magkasama dahil abala si Ge­rald sa pagpapalipad, buung-buo ang kanyang pangarap na isang araw ay makapagtatapos ito ng kanyang kurso.

At ngayon ay heto na ang napakasarap na bunga ng pagsisikap ni Gerald, maligayang-maligaya si AiAi, dahil ganap nang piloto ang kanyang mister.

Ang binatang nangarap, ngayon ay tatawagin nang Captain Gerald Sibayan, helicopter muna ang kanyang hawak ngayon pero isa pa uling pagsisikap ay pagpapalipad naman ng commercial plane ang kanyang inaasinta.

Maligaya kami para sa Comedy Concert Queen at pagsaludo naman ang ipinaaabot namin kay Captain Gerald Sibayan na nangarap, nagsikap at nakapagtapos.

Show comments