Female group na MNL 48 at manager nagkakagulo sa pera?!
Nagkaroon ako ng interes tungkol sa all-female group na MNL 48 nang may nakarating sa akin na kuwentong hindi raw sila nababayaran ng management group na nagha-handle sa kanila.
Sa pagkaalala ko sa grupong ito, bandang last part of 2018 sila nagsimula kung saan nagkaroon pa ng tipong reality-search sa It’s Showtime. Daan-daan ang sumali hanggang sa 48 ang napili.
Inalagaan sila ng management group na AKB48, isang international company na naka-base sa Japan. Nakabuo kasi sila ng naturang J-Pop group na ginawa rin sa iba’t ibang countries gaya ng Thailand, Indonesia at Taiwan.
Hanggang nagkaroon ng napakaraming supporters ang MNL 48 at nakakaikot na rin sila sa iba’t ibang events. Nakukuha na rin ang ibang miyembro sa ibang projects gaya ng TV guestings at pelikula. Pero ang latest na nakarating sa aming balita, ilang buwan na raw silang hindi nababayaran.
May ilang projects daw na pinagtrabahuhan na nila, pero hindi pa rin naibigay sa kanila ng management ang dapat para sa kanila.
Pinapapunta raw sila sa ilang events para mag-perform pero wala naman daw silang natatanggap na bayad.
Ang pinakamalala, mahigit tatlong buwan na raw hindi nabibigay ang kanilang allowance na 15 thousand pesos a month.
Nagsimula raw ito nung September last year na kalahating buwan ng allowance lang ang nabigay.
Mula noon at hanggang ngayon ay pinapa-cash advance na lang daw sila, ng tig-three thousand pesos minsan, at hindi na talaga buo ang naibibigay na allowance.
Kaya karamihan sa kanila ay nganga nung Pasko at nahihiya na ang iba na umuwi sa kanilang pamilya sa probinsya dahil wala silang dala. Kaya naki-Pasko na lang daw sila sa ilang kasamahan nila sa grupo.
Takot na takot lang daw ang ilan sa miyembro ng MNL 48 na lumabas at magpa-interview sa press dahil baka matanggal sila at lalo pa nilang hindi makuha ang perang dapat sa kanila.
May ilang tinitiis na lang dahil umaasang maaayos pa rin at baka mabigyan sila ng magandang break.
Dagdag pang kuwentong nasagap namin, may mga event daw o parang online game na kung saan involved itong mga miyembro ng MNL 48 nakaka-interact sa kanilang mga fans.
Hindi ko lang alam ang proseso, pero kumikita raw doon ang management company nila dahil naku-convert daw into cash ang points na napupunta sa bawat miyembro galing sa kanilang fans.
Tipong may botohan doon mula sa fans para mapanatili kang nasa grupo. Kapag mahina kasi ang nai-earn mong points o boto mula sa mga fans, tanggal ka na at papalitan ng bagong miyembro na tini-train din nila.
Alam daw nilang malaki ang kinikita roon ng kumpanya, pero wala raw napupunta sa kanila na ilang bahagi nito.Hindi lang daw alam ng mga bata kung saan sila lalapit, sino ang tutulong sa kanila para maaksyunan at mabayaran naman sila.
Meron daw kasing nanay nung isang miyembro na nagreklamo na at tipong nag-ingay na. Kaya ibinigay na raw sa miyembrong iyun ang allowance at iba pa niyang kinita.
Nagkausap naman kami ng manager na humahawak sa naturang grupo na si Gio Medina, at pinabulaanan niya ito lahat. Hindi raw totoong nagkulang sila. “May pabahay sila, libreng training sila, workshop, pinadadamitan, libreng pagkain, pinapaaral pa ang iba, may sasakyan, may yaya, may bodyguard, saka allowance na P15,000 a month. Saan ka nakakakita ng ganun?” bulalas ni Gio. “Ayoko nang patulan yan. 2017 pa sila nagsimula, at binigay sa kanila lahat, ngayon lang sila nagreklamo?” sabi pa niya.
“Alam mo bang umabot na ng 200 million pesos ang nagastos sa kanila? Kasi malaking kumpanya yan ang nagha-handle sa kanila. Sa Japan ginu-groom sila nang husto. Inayos, may training, workshop, wala ka nang makikitang ganun!” dagdag niyang pahayag.
Dingdong at Jennylyn kinakikiligan pa rin
Nakukuha na talaga ng Descendants of the Sun ang ilang porsyento ng viewers ng katapat na programa, dahil ang dami nang natutuwa sa takbo ng kuwento nito. Kaya dumidikit na ang rating nito.
Ang isa pang ikinatuwa nila ay alam naman daw ng lahat na married si Dingdong Dantes kay Marian Rivera at committed si Jennylyn Mercado kay Dennis Trillo, pero dahil sa galing nila sa pag-arte may kilig pa rin ang dalawang bida ng DOTS.
Kaya tama lang din ang pagpalit ng timeslot sa Anak ni Waray Vs. Anak ni Biday, dahil lalong dumami na rin ang mga tumututok sa seryeng ito nina Barbie Forteza, Kate Valdez at Migo Adecer.
- Latest