May impormasyong nakarating sa aming source na natunton na ng isang pamosong female personality kung nasaan ang kanyang mga alahas na pinaghirapan niya nang mahabang panahon ang pambili.
Positive, isinangla nga ng taong nanghiram sa kanya ang mga alahas, milyun-milyon ang halaga ng pagkakasangla.
Planong kunin ng babaeng personalidad ang mga alahas, tutubusin niya, dahil hindi lang ang mga alahas ang mahalaga sa kanya kundi pati ang mga kakambal na alaala nu’n sa kanyang buhay.
Kuwento ng isang source, “May tag kasi ang mga alahas niya. Kunwari, ginawa niya ang isang movie, mula sa kinita niya sa pelikulang ‘yun, e, bumibili siya ng remembrance na jewelry.
“Kaya ‘yung mga alahas, may nakakabit na tag, nandu’n ang date at halaga, saka ang title ng movie kung kailan niya ‘yun binili,” pagpapatunay ng aming impormante.
‘Yun ang dahilan kung bakit hindi lang basta hagulgol ang nagawa ng aktres nang malaman niya kung nasaan na ang mga pinakaiingatan niyang alahas na hiniram lang sa kanya para ipagaya raw.
“Gusto niyang bawiin ang mga pieces of jewelry niya, pero grabe na ang amount na gusto ng pinagsanlaan! Halos triple na!
“Nakakalungkot naman, kanya na nga ang mga alahas, pagkatapos, e, ibebenta pa sa kanya sa napakalaking amount?” madiing kuwento uli ng aming source.
Pero mukhang may nakaplanong aksiyon ang female personality para mabawi ang kanyang mga alahas. Madalas na silang magkausap ngayon ng kanyang mga abogado dahil maaari niyang kunin ang mga alahas nang hindi na siya maglalabas ng pera.
Mababawi niya ‘yun, makakasuhan pa nga ang mga pinagsanlaan, kaya siguradong lulutang na ang pangalan ng taong pinagkakatiwalaan niya na nanghiram sa kanya ng mga alahas.
Ubos!
Alden sobra-sobra sa pinagdasal ang natatanggap na biyaya
Marunong lumingon sa kanyang pinanggalingan si Alden Richards. Mahalagang-mahalaga para sa kanya ang lahat ng mga naipupundar niya ngayon dahil ang lahat ay nagsimula sa puro pangarap lang.
Meron na siyang Ferrari at iba pang mga sasakyan na milyunan ang halaga. Siguradong hanggang ngayon ay hindi pa rin makapaniwala ang Pambansang Bae na ang mga pangarap pala niya ay matutupad nang ganito katagumpay.
Papunta sa GMA-7 nu’ng baguhan pa lang ay nagbu-bus lang siya mula sa Laguna. Halinhinan ang bus at jeep para sa kanyang trabaho. Nagta-taxi rin naman siya pero kung kailangan lang talaga.
Nu’ng kunin siya sa isang pelikula ni Senador Bong Revilla, ang Panday, ay nakikisakay lang si Alden sa service ng production.
Pinakahuli siyang umuuwi dahil hinihintay pa niyang makapagbaklas ng mga kable ang mga crew, nakikipagsiksikan siya sa sasakyan, nagpapababa siya sa highway at magdyi-jeep na lang siya pauwi.
Ganu’n kahirap ang kanyang pinagdaanan, hanggang sa ngitian na nga siya ng suwerte nang ipanganak ang tambalan nila ni Maine Mendoza.
Grabe ang kasikatan ng kanilang loveteam, sa isang iglap ay sumikat nang husto si Alden, hanggang sa ituring na siyang prized possession ng kanyang network.
Ngayon ay sobra pa sa mga hiningi ni Alden sa Diyos ang niyayakap niya. Malamansiyong bahay sa Laguna, mga sasakyang milyunan ang halaga, meron na rin siyang sangay ng isang food chain na hindi biro ang kanyang ipinuhunan.
May mga restaurants na rin siya ngayon, pinaghandaan na ni Alden ang kanyang kinabukasan, lumamlam man ang ningning ng kanyang bituin ay hindi na siya maghihirap.
Komento ng kaibigan naming propesor, “I saw it coming. Nu’ng bagu-bago pa lang siyang nag-aartista, e, napapanood ko na si Alden. He’s very sincere, alam mong mabait talaga siya.
“Tapos, nu’ng finally, e, sinuwerte na siya, kitang-kita pa rin ang pagiging mabuti niyang tao. Tumutulong siya sa mga nangangailangan nang walang ingay.
“Binibisita pa rin niya ang mga kaibigan niya sa elementary at high school, ganu’n talaga ang mabuting tao, hindi nakalilimot.
“I saw him one time, nagulantang ako sa pagkakagulo ng mga tao, ganu’n na talaga siya kasikat, napakabait naman kasi niya at kitang-kita ‘yun sa lahat ng mga ginagawa niya,” papuri ni prop kay Alden.
Nakatapak pa rin ang magkabila niyang paa sa lupa sa kabila ng kanyang tagumpay. Bibihira ang tulad ni Alden Richards na hindi pinagbabago ng panahon at kasikatan.