Dating sikat na aktres nagiging invisible kapag nahawakan na ang TF

Alam ng aming source kung magkano ang talent fee ng isang pamosong female personality tuwing taping day niya. Alam din ng aming impormante kung ano ang kasunduan nila ng produksiyon.

Napakalayo ng tinatanggap niyang TF ngayon kumpara nu’ng kasagsagan ng kanyang career, barya na lang para sa kanya ang halagang ‘yun, pero wala siyang pamimilian kundi ang tanggapin ang katotohanan.

Nandito pa rin siya, kanyang-kanya pa rin ang koronang nakatatak sa kanyang pangalan, pero hindi na niya maaangkin ang panahon.

May mga proyekto pa rin siya hanggang nga­yon, pero ang tinatanggap niya sa bawat serbisyong ginagawa niya ay maliit na, sangkatutak na kasi ang mas sikat kesa sa kanya ngayon.

Kuwento ng aming source, “Kaliwaan ang TF niya. Bayad siya tuwing taping daw niya. Kailangang bayad ang serbisyong ibinibigay niya sa mismong taping day niya.

“Ganu’n ang usapan. Palagi niyang hinahanap ang field cashier habang working siya. Kailangan na kasi niyang kunin ang talent fee niya.

“Nu’ng una, e, okey lang para sa production na ibigay agad ang TF niya kahit hindi pa siya nag-uumpisang magtrabaho, pero nagbago ang set-up nu’ng bandang huli na.

“Kailangan na nilang ipitin muna ang datung hanggang sa makatapos siya sa mga eksena niya. Pinagtatago muna nila ang maydala ng datung, hindi muna nakikipagkita sa kanya,” unang kuwento ng aming impormante.

May kakaibang atake kasi ang female personality, kapag dumarating ang kakaiba niyang tantrums. Meron siyang sumpong. Mahirap siyang ispilengin kapag ganu’n na ang kanyang drama.

Patuloy ng aming source, “Ilang beses na ba niyang ginawa ‘yung hindi pa tapos ang lahat ng mga eksena niya, e, bigla na lang siyang nawawala sa set? Naloka nga sa kanya nu’ng minsan ang direktor niya.

“Uminom lang siya ng kape sandali, nu’ng hinahanap na ni direk ang female personality, e, umalis na pala! Nabitin tuloy ang maraming eksena!

“Kasi nga, e, nagetlak na niya ang talent fee niya, bayad na siya, kaya bigla na lang siyang umaalis! Mula nu’n, e, alam na ng production ang gagawin, work muna, then pay later na lang!” tawa pa nang tawang kuwento ng aming impormante.

Ubos!

Kim binantayan bago niratrat ang van

Mistaken identity ang pumasok agad sa aming isip nang mapanood namin nu’ng Miyerkules nang umaga ang pagbaril sa itim na van ni Kim Chiu.

Wala kaming mahanap na dahilan para siya targetin ng riding in tandem, mabuting tao ang aktres, napakalayo sa katotohanan ang maisip ng kahit sino na may gustong pumatay sa kanya.

Pero nang makita namin ang sasakyan ni Kim na talagang niratrat ng riding in tandem ay naisip namin, hindi ‘yun basta pagratrat lang sa sasakyan nang basta-basta, inabangan ng riding in tandem ang kanyang van sa Katipunan Avenue.

Ganu’n ang kuwentong nalaman namin, ayon sa isang otoridad ay hindi ginagawa ng riding in tandem ang operasyon nang sila lang, merong nagbabato sa kanila ng impormasyon kung nasaan na ang kanilang target.

Komento ng aming kausap, “Magkakaiba kasi ang atake nila, e. Merong nakatugaygay na mismo sa target nila, meron din namang nag-aabang lang, pero ang info, e, ibinabato sa kanila ng nakadikit sa van.

“’Yung nangyari kay Kim, e, nakaabang na sa kanya, pero siguradong sa paglabas pa lang niya ng subdivision, e, may nakasubaybay na sa kanya,” ma­linaw na impormasyon ng aming kausap.

Mistaken identity. ‘Yun ang basa ng mas nakararami sa naganap dahil wala talagang kasalanang nagawa ang aktres na sapat para kumitil sa kanyang buhay.

Balik-pahayag ng aming kausap, “Pero hindi dapat tumigil sa mistaken identity lang ang investigation, mas lawakan pa dapat nila ang paghawak sa kaso.

“Sinubaybayan ang sasakyan ni Kim Chiu, hindi ‘yun basta niratrat lang, kailangang mag-imbestiga sila nang mas malalim kung meron bang nagtatangkang pumatay sa kahit sinong malapit sa kanya na sa kanya lang ginawa!

“Merong ganu’ng case, kapag may atraso ang taong malapit sa buhay ng target, puwedeng sa kanya ‘yun na-channel. Nakakalungkot dahil hindi naman si Kim ang may kasalanan, pero siya ang napuruhan!” madiin pang komento ng aming source.

Pero nakakatakot na ang panahon ngayon. Parang dalawa-singko na lang ang buhay natin. Mabuti na lang at walang masamang nangyari kay Kim Chiu at sa kanyang mga kasama.

Sabi nga ni Kim, “Salamat sa Diyos at nakaligtas kami. Diyos na rin ang bahala sa bumaril sa amin.”

Show comments