Konting-konti na lang at nangangailangan na siguro ng professional help ang mga tagasuporta ng isang pamosong loveteam na may kakaibang hirit sa buhay.
Talagang para sa kanila ay walang ibang puwedeng mahalin ang kanilang mga idolo kundi ang isa’t isa lang. Sila raw talaga ang itinakda ng kapalaran na magkasama nang habambuhay.
Kuwento ng aming source, “Dumating na sila sa point na may sinasabi na silang place kung saan itinatago nu’ng magka-loveteam ang anak nila!
“Ayaw nilang tumigil, talagang ipinagpipilitan nila na magkarelasyon ang dalawa, nag-live-in pa raw, kaya nagkaroon sila ng anak!
“Imagine, ang layu-layo na ang naaabot ng ilusyon nila! Itinago raw nila ang baby sa bahay ng isang pinagkakatiwalaan nilang fan.
“Dinadalaw lang daw nina ____at ____ (mga pangalan ng magka-loveteam) ang baby basta may time sila. Patago raw nilang ginagawa ‘yun para huwag malaman ng publiko ang lihim nila!” namamanghang unang kuwento ng aming impormante.
Nu’ng minsan daw na ipa-check-up ang bata ay naiwan lang sa sasakyan ang guy at ang girl, pero pagkatapos ay magkakasama rin silang umalis, bumalik na raw sila sa pinagtataguan ng anak nila.
Sabi uli ng aming source, “Bakit kaya hindi makipagkita sa doktor nila ang mga taong ‘yun? Nakakaloka sila, ha? Sila-sila lang ang naniniwala sa mga pinagsasasabi nila!
“May boyfriend na ngayon ang female personality, napakasaya na nila, mukhang sa kasalan na nga ‘yun mauuwi, pero sige-sige pa rin ang mga ilusyonadong ‘yun sa pagkakalat ng kuwento na may anak na ang girl sa partner niya!
“Hindi ba naman napakalaking kahunghangan na ang nangyayaring ito? Paano nila nagagawang mag-imagine ng mga kuwentong wala namang katotohanan?
“Sa totoo lang, naiinis na nga ang mga pamilya ng dalawa sa mga pinalulutang nilang kuwento na may baby na raw sila. Bakit kasi hindi nila ilabas ang bata?
“Ilabas na nila, ibuyangyang nila ang identity ng baby, para mapatunayan nilang totoo ang kine-claim nila! Magpa-check-up na sila, iba na ‘yan, puro kuwentong walang kuwenta ang alam nila!” pagtatapos ng aming source.
Ubos!
Mommy Divine naubusan na ng kakampi
Nagkalaglagan na! Nagkabayaran na! Literal na sinabi ni Jerry Tamara, ang close-in security ni Sarah Geronimo, na si Mommy Divine ang nag-udyok sa kanya na idemanda si Matteo Guidicelli.
Ang totoo ay wala raw naman itong planong mag-report sa mga pulis nu’ng ganapin ang kasalan, pero si Mommy Divine daw ang nagsabi sa kanya na magsumbong, kaya buong-ningning na sinabi nito sa mga pulis na isang suntok sa leeg ang ibinigay sa kanya ng aktor.
Pero ang lahat ay nagbago na, inilaglag na ng security si Mommy Divine, tinatanggap na nito ang dalawang daang libong piso mula sa Viva Talent Agency.
Kuwento ng aming source, “Ang hinihinging danyos nu’ng Jerry Tamara, e, P1.5M. Napakalaking halaga nu’n! Kinausap siya ng isang staff ng Viva, bumaba ang amount. Nag-counter offer ang Viva sa halagang one hundred thousand. Ayun, nagkatapos sila sa two hundred thousand!
“At ang gusto pa nu’ng security, e, magkaharap sila ni Matteo, pero hindi naman nagpunta si Matteo sa Viva, kaya si Raffy Tulfo na mismo ang nagsabi sa kanya na hindi mangyayari ang kanyang gusto,” sabi ng aming source.
Sa kanyang interview sa Wanted Sa Radyo na nasubaybayan namin ay napakadiin ng pahayag ng security na kakasuhan nito si Matteo dahil masasakit na salita na ang kanyang tinatanggap sa social media.
“Idedemanda ko po siya, pinalalabas kasi niya akong sinungaling! Saka kung anu-ano na ang itinatawag sa akin sa social media. Tsismoso raw ako, sumbungero kay Ma’m Divine, kaya dapat lang daw ako suntukin ni Sir Matteo!” ‘yan ang deklarasyon ng security ni Sarah sa programa ni Raffy Tulfo.
Ngayon ay bina-bash na naman si Jerry Tamara. Ganu’n lang daw pala ang halaga ng kanyang prinsipyo, dalawandaang libong piso lang, wala raw itong paninindigan.
At may demand pa ito na mag-public apology si Matteo Guidicelli, isang bagay na napakaimposibleng gawin ng asawa ni Sarah, dahil matindi rin ang kanyang paninindigan na wala siyang sinumang sinuntok nu’ng gabi ng kanilang kasal.