'Patok sa TikTok?': Ex-Duterte spokesperson todo-hataw sa dance video

"First Tiktok vid! Follow me on Tiktok @harryroque3 #weekendchallenge," sabi niya sa paskil sa Facebook at Twitter.
Video grab mula sa Facebook ni Harry Roque

MANILA, Philippines — Nakita na natin sina vlogger Antonio Trillanes IV at vlogger Isko Moreno sa kani-kanilang viral videos na target ang mga bagets. Pero handa na ba kayo kay Tiktoker Harry Roque?

Yes na yes! Walang biro ang pag-indak ng dating tagapagsalita ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang 10-segundong dance video na inilabas, Miyerkules ng hapon.

"First Tiktok vid! Follow me on Tiktok @harryroque3 #weekendchallenge," sabi niya sa paskil sa Facebook at Twitter.

Ang TikTok ay isang tanyag na video-sharing social networking service, na kadalasang ginagamit ng kabataan para lumikha ng maiiksing lip-sync, comedy at talent videos.

Gamit ang ilang kakaibang color grading (na animo'y vaporwave aesthetic) at nagsisiliparang puso,  kitang-kita ang pagsayaw ng dating human rights lawyer.

Bago naging mouthpiece ng Malacañang, unang nakilala ang UP Law professor na si Roque sa paghawak ng ilang high-profile cases kasama ang Kaliwa, gaya ng Maguindanao Massacre at pagpatay sa transwoman na si Jennifer Laude.

Nagbago ang magiliw na tono ng noo'y Kabayan party-list representative sa mga progresibo simula nang maitalaga bilang spokesperson ni Duterte Oktubre taong 2017.

Kampanya sa pagka-senador

Sinubukan niyang tumakbo sa pagkasenador para sa 2019 midterm elections ngunit hindi nakakuha ng suporta maski sa presidente.

"Si Roque, gustong mag-senador. Sabi ko, 'Tama ka na. T****** niya. Mag-istambay ka. Bigyan kita ng ibang trabaho. 'Di ka manalo, 'yung mga sundalo ayaw sayo," sabi ni Duterte noong Oktubre 2018.

Binawi naman ng abogado ang kanyang kandidatura noong Pebrero 2019 matapos ma-diagnose ng "unstable angina coronary disease."

Hindi man pinalad sa mas mataas na elective post, nakakuha naman ng bahagyang tagumpay si Roque ngayong 2020 matapos maipanalo ang hinahawakang massacre case, kung saan nahatulang guilty sina Zaldy at Andal Ampatuan Jr.

Show comments