Nanahimik na ba o pinatahimik si Mommy Divine?
Matapos ang maeskandalong pagsugod niya sa kasal ng anak na si Sarah Geronimo kay Matteo Guidicelli, hindi na muli pang nagsalita si Mommy Divine, at iyon ay sa kabila ng pagsisi sa kanya ng kung sinu-sinong wala namang pakialam, at pagbibintang pa sa kanyang siya mismo ang nag-utos sa bodyguard ni Sarah na siraan ang asawa noon.
Kasabay naman noon, mapapansing panay ang magagandang publisidad na pinalalabas hindi lamang sa legitimate media kung ‘di lalo na sa social media tungkol sa masayang buhay may-asawa ni Sarah, pati ang halos araw-araw na pamamasyal nila ng asawang si Matteo, hanggang sa pagpunta nila sa tindahan para mamili ng gamit para sa kanilang bagong bahay, at pagpunta sa isang supermarket. Ngayon lang din lumabas na ganoon sila ka-accomodating sa pakikipag-selfie kasama ang mga fans.
Ito ba ang simula ng isang “damage control”?
Aba dapat lang naman. Hindi maikakaila na ang mga Pilipino ay maka-nanay, at sa nangyari ay hindi rin maikakaila ang nangyaring pakikipag-sabwatan ni Sarah para ilihim sa kanyang ina ang kanyang pag-aasawa.
Dagok iyon sa kanyang image kung iisipin. Maaaring maapektuhan ang kanyang career, at natural pati na ang kanyang kinikita. Kaya kailangan talaga ang isang epektibong damage control.
Sa ngayon, si Mommy Divine ang lumalabas na “collateral damage”. Siya iyong masasaktan sa pagpapagandang muli ng image ng kanyang anak. Pero siguro nga pagkatapos ng lahat, nasaktan man sa nangyari, nangibabaw pa rin sa kanya ang pagiging nanay kaya nanahimik na lang.
Maliwanag naman sa simula pa lang na ang intensiyon niya ay ang kabutihan ng kanyang anak.
ABS-CBN nakabitin pa rin kung makakapag-operate after march
Aabutin ba ng pagpapalit ng liderato ng Kamara ang franchise extention bills ng ABS-CBN?
Iyan ang nagiging tanong ng marami matapos na parang mananatiling nakatengga at hindi napag-uusapan ang labing isang panukalang batas at sinasabi ni House Speaker Allan Peter Cayetano na maaaring sa Agosto pa maisalang sa kalendaryo ng mababang kapulungan.
Pero batay sa kanilang term sharing agreement ng Congressman ng Marinduque na si Allan Velasco, matatapos na ang termino ni Cayetano bilang speaker sa Oktubre ng taong ito at papalitan siya ni Velasco. Kasabay niya, maaaring magkaroon ng pagpapalit ng iba pa sa liderato ng Kamara. Mas magiging madali ba para sa ABS-CBN iyon?
Ang franchise ng ABS-CBN ay matatapos sa huling araw ng buwang ito. Maging sa usapang legal ay malabo. May mga dating mahistrado na nagsasabing oras na matapos ang franchise ay kailangang magsara ang ABS-CBN. Mayroon din namang nagsasabing makapagpapatuloy sila sa ilalim ng isang provisional permit mula sa NTC.
Aktor nahihirapan ng makakuha ng pagkakakitaan
Awang-awa naman kami sa isang male star dahil sa narinig naming kuwento. Inaamin daw noon sa mga kaibigan, na dati ay lagi niyang ibino-blow out na ngayon ay wala na siyang pera dahil wala naman siyang kinikita. Inamin din daw noon na marami na siyang bills na hindi nababayaran, dahil wala ngang kita. Lumalabas na nahihirapan din ang kanyang mga bagong manager na ihanap siya ng trabaho.
Una, hindi na siya ganoon kasikat. Ikalawa ang managers naman niya ay walang kuneksiyon sa industriya, kaya iyong mga dating trabahong nakukuha niya, pati mga endorsements ay napupunta na ngayon sa iba na hindi man naging kasing sikat, ay mas magaling naman ang managers kaysa sa kanya.