MANILA, Philippines — Itinanggi ng close-in security ni Sarah Geronimo na isinumbong niya ang sikretong kasalan nila ni Matteo Guidicelli noong Huwebes, bagay na ikinagalit daw ng aktor na nauwi sa sakitan.
Biyernes nang pumutok ang balitang panuntok diumano ni Matteo sa lalamunan ng gwardyang si Jerry Tamara, sa pag-aakalang itinimbre niya kay Mommy Divine ang pagtitipon, na nag-eskandalo raw sa event.
Sa panayam ng palatuntunang "Wanted sa Radyo" ni Raffy Tulfo, inilahad ng nagrereklamo ang mga pangyayari.
"[W]ala naman akong alam sa ano nilang 'yan eh. Ang sa akin lang po, 'yung ginawa sa akin ni Sir Matteo. Bakit niya ako sinuntok na wala naman po akong ginagawa sa kanya?" sabi ni Tamara, Lunes.
Giit niya, ipinaalam lang niya kay Mommy Divine na nagpapaiwan si Sarah sa kinakainang party sa Shangri-La, Bonifacio Global City. Hindi niya alam, reception na pala iyon ng kasal.
Bago ang nasabing kainan, ni-lock down daw kasi ang isang simbahan sa Taguig, na tila pinagganapan na raw ng kasal.
"Hindi ko naman talaga alam na kinasal eh. Hindi ko talaga alam na may kasalanang nangyari. Blangko talaga kami," sabi ni Tamara.
Agad daw nagtungo si Mommy Divine sa restaurant, kung saan nagkatensyon sa pagitan nila ng ama ni Matteo: "Anong pinagggagagawa niyo? Tinraydor niyo ako!" sabi raw ng nanggagalaiting nanay.
Hindi raw kasi sinabihan si Mommy Divine na mangyayari na ang kasalan, kung kaya't galit na galit siya.
Agad naman daw nagtungo si VIVA chairperson at founder Vic del Rosario sa venue upang pakalmahin ang sitwasyon.
"Agad-agad, ang sabi ko kay Sarah, 'Mabuti pa, lumabas ka. Kami na lang ng mommy mo ang mag-uusap...' Nag-usap kami, more than an hour," ani Del Rosario.
"Tungkol doon sa nangyari, na-sorpresa siya. So noong time na 'yon, parang hysterical. So marami siyang mga galit na sinasabi. Eh ako naman, binibigyan ko siya ng time para ilabas ang kanyang sama ng loob."
'Hindi nanuntok si Matteo'
Ayaw namang magbigay ng panayam ni Matteo at minarapat na lang na si Del Rosario na lamang ang magsalita sa isyu.
Ayon kay bossing Vic, itinanggi raw ng kampo nina Sarah na pinisikal ng kanyang mister ang gwardya.
"[K]inabukasan, nakausap ko si Sarah eh. Wala siyang nakita at wala siyang alam na sinuntok 'yung bodyguard daw ni Matteo," ani Del Rosario.
"So, ayon kay Sarah, 'Hindi totoo 'yon. Walang baril, wala lahat. Wala siyang narinig. 'Yun lang ang masasabi ko."
Aniya, hindi rin daw personal na nasaksihan ni Del Rosario ang mga nangyari kung kaya't bumabase lang sa mga nasabi sa kanya.
Nakiusap din siya sa bodyguard tungkol sa insidente, at sinabing napakapersonal nina para kina Sarah at Matteo.
Kultura ng karahasan?
Samantala, pinaalalahanan naman ni Tulfo ang mga netizens na tila nambubuyo pa ng pananakit sa gwardya.
"Nakikita ko itong culture of violence na sa mga netizens natin, na kinukunsinti na ang pananakit sa kapwa dahil... naging tsismoso ka," banggit ng broadcaster.
"Bakit ganoon tayo mga kapatid? Hindi natin dapat kinukunsinti ang violence. Hindi natin pinapayagan na ilagay sa kamay ng sinuman ang batas."
Aniya, kung may pagkukulang si Tamara, maaaring sinakin na lang siya sa trabaho: "'Wag lang natin siyang saktan." — may mga ulat mula sa Radyo Singko