Kung si Baron Geisler, ipinagtanggol si Coco Martin sa mga nilahad ni Robin Padilla na pang-aabuso diumano sa kanyang crew, si Vivian Velez naman, ipinagtanggol si Robin sa mga namba-bash dito.
Post ni Vivian sa FB: “Ako ay isa na magpapa-totoo sa pagkatao ni Robin. Isa siyang makabayan at sobrang matulungin sa kanyang kapwa. At isa pa Ms Ethel (Espiritu ng ABS-CBN), huwag mong ipautang na loob ang pagbigay ng trabaho sa artista...This is a reciprocal action between a talent and producer. You pay for services rendered. Besides, if you have no artists, you have no show.”
Nakakalungkot lang dahil mukhang mahahati na naman ang showbiz, may kumakampi kay Robin at may kumakampi kay Coco.
May fan ngang nakiusap na ‘wag pag-awayin sina Robin at Coco lalo na kung pareho silang nakakatulong sa maliliit na tao na nagtatrabaho sa showbiz.
Itinanggi na ng kampo ni Coco ang isyung binanggit ni Robin na pagbubuhos ng tubig ni Coco sa kanyang crew. Wala pang reaction si Robin sa paglilinaw na ito ng kampo ni Robin.
Nora ipinapamigay lang sa mga staff at crew ang TF!
Nakakatuwa si Nora Aunor sa guesting niya sa Bawal ang Judgmental segment ng Eat Bulaga kahapon. Muntik pang makalimutan ni Guy na i-promote ang bago niyang Afternoon Prime na Bilangin ang Bituin sa Langit na magsisimula ang airing sa Monday na, February 24, pagkatapos ng Prima Donnas.
In fact, title na lang ang nabanggit ni Guy at hindi na nahabol ang airing nito. Pati mga kasama sa Afternoon Prime sa direction ni Laurice Guillen, hindi na rin nabanggit ng Superstar dahil wala ng oras.
Nag-uwi ng P35,000 si Guy sa kanyang pagsali sa Bawal ang Judgemental na kanyang ibibigay sa isang pari na in-charge sa pag-aalaga sa indigent children.
Hindi na bago kay Guy ang tumulong dahil ang talent fee nga niya sa Bilangin ang Bituin sa Langit, kapag nakukuha na, ibinibigay sa staff at crew ng teleserye na kasama siya. Halos wala nang maiwan sa kanya.
Ilang mga artista sa Kapuso at Kapamilya, nasa Top 100 stockholders ng ABS-CBN
Hindi lang si Angel Locsin ang artistang stockholder ng ABS-CBN dahil nasa list din sina Daniel Padilla, Bea Alonzo, Angelica Panganiban, Kim Chiu at Kris Aquino.
Nasa list din ng top 100 stockholders ayon sa Lopez Holdings Corporation website sina Jose Mari Chan, Noli de Castro at bosses ng ABS-CBN.
Siguradong marami pang kasama sa listahan ng mga stockholder ang iba pang Kapamilya talents.
Pati sina Vic Sotto na hindi naman Kapamilya talent, si Ice Seguerra na freelancer at ang Kapuso na ngayong si John Estrada ay nasa top 100 list ng stockholder. Hindi kami magugulat kung stockholders din ng network sina Kathryn Bernardo, Liza Soberano, Enrique Gil, at baka pati si Willie Revillame na matagal naging Kapamilya.
Tanong lang, hindi ba bawal i-disclose in public ang names ng stockholders ng isang company?
Boy sinamahan si Aiai sa dinner sa mga taga-GMA
Tama ba kaming si AiAi delas Alas ang na-blind item na papasok sa All-Out Sundays ng GMA-7 simula sa March? Naalala namin, si Lolit Solis ang nag-blind item tungkol sa madadagdag na cast ng Sunday musical-variety show ng GMA-7. Sa sagot ni AiAi sa follower niya na nagtanong kung kailan ang next show niya sa GMA-7, ang sagot nito “malapit na hehe sa march game na.”
In fact, nag-host ang manager ni AiAi na si Boy Abunda ng dinner with the GMA bosses at siguradong ang shows na gagawin niya sa network ang napag-usapan. Naging isyu pa sa iba ang pagho-host ni Boy ng dinner dahil inakalang lilipat siya sa GMA Network.
May mga nagalit na nga dahil bakit daw isinabay ang pa-dinner ni Boy sa bossing ng GMA-7 na may franchise renewal issue ang ABS-CBN. Kahit ipinaliwanag na ni AiAi na para sa kanya at hindi para kay Boy ang dinner, makulit pa rin ang iba at ipinipilit ang kanilang paniniwala.