Matteo idinenay ang panununtok sa bodyguard ni Sarah

Natuloy nga pala ang kasal nina Sarah Geronimo at Matteo Guidicelli nung nakaraang Huwebes ng hatinggabi.

Tinutukan kasi ang magkasintahan nung araw na iyun para malaman kung may naganap nga bang kasalan.

Sa umaga pa lang ay inalam na kung nasaan sila, at nasa taping nga ng The Voice Teens si Sarah, nag-rehearse pero nung bandang hapon ay umalis daw ito sa studio at tumuloy sa Victory Fellowship sa BGC, Taguig.

Si Matteo naman base sa kanyang mga ipinu-post sa Instagram, nag-gym ito, nag-lunch sa Alabang. Pero bandang hapon ay wala nang nakaalam kung nasaan siya.

Kinagabihan nga ay nasa Shangri-La The Fort sa BGC silang dalawa, at  doon nga raw ginanap ang kanilang civil wedding ceremony.

Gusto raw nilang ituloy ang kasalan sa petsang iyun, dahil lucky 8 daw iyun, gawa ng 02-20-2020.

Nagkaroon lang nga raw ng gulo nang hindi inaasahang dumating si Mommy Divine, para kausapin lang daw sana si Sarah.

Hanggang sa umabot raw nang pagtatalo kina Matteo at ng bodyguard ni Sarah na si Jerry Tamara, dahil pinagbintangan daw ito ni Matteo na nagsumbong kay Mommy Divine.

Kaya nagpa-blotter si Tamara sa Police Community Precint No. 7 ng Taguig kahapon ng bandang alas-tres ng madaling araw.

Ayon naman sa ilang napagtanu­ngan namin, itinatanggi raw ni Matteo na umabot sa suntukan. Nagkaroon daw ng pagtatalo, pero hindi naman daw sinuntok ni Matteo ang bodyguard na si Tamara.

Sayang lang, dahil halos lahat naman ay masaya sa balak na pagpapakasal nina Matteo at Sarah. Pero kontra pa rin daw dito ang magulang ni Pop Princess kaya, umabot sa ganitong gulo.

Lumalabas na kontrabida na sa kuwentong ito si Mommy Divine at ang pamilya ni Sarah.

Gladys gaganap na Lolit Solis sa biopic ni Mother Lily

Proud na proud ang mga malalapit na kaibigan ng mag-asawang Christopher Roxas at Gladys Reyes dahil sa napakasipag daw nila.

Bukod sa restaurant nilang Estela sa may Cainta, Rizal binuksan na ng mag-asawa ang kanilang Sommereux Catering na ini-launch nung nakaraang Huwebes, sa Valencia Events Place.

“Si Christopher talaga ang may passion sa food eversince,” pakli ni Gladys.

“Marami ang di nakaalam na nag-take up siya ng Culinary Arts, and aside from that nakapag-work siya sa France, sa Japan and other countries pa.

“Na-experience niya dun ginather niya…yung alam mo na yung palate niya kasi iba eh. Magkaiba kami, kasi more on Filipino ang palate ko eh. Siya, more on international food, sa kanya ako nagri-rely kasi nasa dugo niya eh, French eh,” dagdag niyang pahayag.

Dumalo roon sa launch ang mag-inang Mother Lily at Roselle Monteverde, ang manager at nanay-nanayan ni Gladys na natuwa rin sa kasipagan ng mag-asawa. “Siyempre, apat na ang anak namin. Kailangan talaga magtrabaho nang husto para sa pagpapalaki sa mga anak namin,” pakli ng Kapuso actress.

Dumating din ang mga close friends ni Gladys na sina Carmi Martin, Donita Rose at ibang kasamahan niya sa Madrasta.

Nagsu-sorry nga raw si Judy Ann Santos dahil hindi ito puwede nung araw na iyun, pero talagang suportahan daw silang magkaibigan sa mga pinasok nilang negosyo.

Nilinaw ni Gladys na wala naman daw siyang balak na kumpetensyahin ang Angrydobo ni Judy Ann.

“Magkaiba kami di ba? Siyempre ang Angrydobo ang kanilang specialty adobo di ba? At kumain na rin ako dun.

“Ang nakakatuwa lang sa amin, we support each other. Lalo na ako masaya na…pati ang Pizza Telefono nagpunta na rin kami dun, di ba kay Ryan (Agoncillo) naman.

“Baligtad kami..si Judy Ann, siya yung chef talaga. Ako, si Christopher,” napapangiting pahayag ni Gladys.

Doon na rin ay nahingan namin ng sagot ang aktres na balak siyang isama sa pelikula ng buhay ni Mother Lily na ipu-produce ng Reality Entertainment.

Sana matuloy daw iyun dahil nakaka-excite daw ang naturang project at napaka-challenging daw ng role na gagampanan niya – ang manager niyang si Lolit Solis.  “Just the thought na magiging part ako ng biopic ni Mother Lily, na-excite na agad ako. Plus dagdag pa sa excitement ko ay mukhang ang gagampanan ko ay ang role ni Nay Lolit Solis.

“Na-imbibe ko na si Nay Lolit. Double excitement yun na maging part ka ng napaka-colorful ng buhay ni Mother Lily na siyempre, eh di ba si Mother siya ang nag-umpisa lahat na hanggang ngayon ay mahal na mahal niya ang industry at gumagawa pa rin ng mga pelikula. Tapos, magiging Nay Lolit pa ako.

“Gusto ko lang malaman kung anong era ni Nay Lolit yun. Yun ba yung spike ang buhok niya o yun ba yung earlier na marami pa siyang boyfriend?” natatawang pahayag ni Gladys.

Show comments