Vicky iba na ang ipaglalaban

Vicky

Mag-uumpisa na sa Sabado, February 22, ang pagiging ‘Ate ng Bayan’ ng GMA News Pillar at award-winning broadcast journalist na si Vicky Morales sa pinakabagong reality-drama program   na Ilaban Natin ‘Yan!

Ipakikita umano ni Vicky sa nasabing programa ang isa pang aspeto ng  ‘Serbisyong Totoo’ sa pamamagitan ng pagpunta sa iba’t ibang barangay at pagtulong sa mga taga-rito na masolusyunan ang problemang kinakaharap nila sa buhay. Sa ‘Ilaban Natin ‘Yan!’, aalamin ang pinagmulan ng isyu at tutulungang maresolba ang problema kasama ang mga expert at resource person.

Tampok din sa programa ang ‘Palaban Express’ – isang modern jeep na iikot sa mga barangay. Dito, malayang makakapagpahayag ang mga tao ng kanilang mga iniisip o problema. 

“Ibang-iba siya sa mga ginagawa ko,” saad ni Vicky na tatlong dekada nang broadcast journalist. “Para sa atin lahat itong show na ito. Kapupulutan natin ng aral at matutuwa pa tayo. Hindi lang namin kayo pakikinggan, ilalaban natin ‘yan,” dagdag niya.

Makaka-relate ang mga manonood sa mga isyung tampok sa ‘Ilaban Natin ‘Yan!’ kagaya ng social media and gaming addiction, teen suicide, sibling rivalry, inheritance disputes, juvenile delinquency, child support at custody battles, adultery, at marami pang iba.

Bibida rin ang paboritong Kapuso stars na siyang magbibigay-buhay sa mga napiling kuwento kada linggo.

Sa unang buwan ng programa, tatalakayin nila ang ‘Ilaban Natin ‘Yan!’ ang isyu ng isang abused wife, ang paranormal expert na nakaranas ng cyberbullying, at ang isang ginang na may banta sa buhay. Isasabuhay ito nina Ruby Rodriguez, Thea Tolentino, Anjo Damiles, Anjo Yllana, at Ms. Jaclyn Jose.

Mapapanood ito sa GMA 7 pagkatapos ng Tadhana.

Show comments