MANILA, Philippines — Iminungkahi ng isang Kapamilya radio host na tuluyan nang lisanin ni Sen. Ronald "Bato" dela Rosa ang trabaho bilang senador, sa gitna ng bantang hindi ma-renew ang prangkisa ng ABS-CBN.
Sinabi ito ni DJ Chacha ng MOR 101.9 matapos banggitin ni Dela Rosa na mas importante ang Pilipinas, na inaapi raw ng ABS-CBN, kaysa 11,000 mawawalan ng trabaho oras na hindi ma-renew ang kanilang prangkisa.
"I suggest mag-resign na dapat si Senator Bato... at mag-apply na Bodyguard ng Presidente tutal naman ang loyalty niya ay sa Pangulo at hindi sa taong bayan," wika niya sa isang tweet, Martes.
"When you're a public servant and your loyalty is towards a person and not towards the country, ang tawag dyan, TUTA."
I suggest mag-resign na dapat si Senator Bato sa pagiging senador at mag-apply na Bodyguard ng Presidente tutal naman ang loyalty niya ay sa Pangulo at hindi sa taong bayan.
— DJ Chacha (@mor1019chacha) February 18, 2020
Kapansin-pansin din ang sunud-sunod na retweet ng radio host patungkol sa franchise, kasama ang video ni Dela Rosa habang sinasabi ang sumusunod: "What is 11,000 compared to the whole Filipino nation na matagal nang sinamantalahan ng kumpanya? Kung talagang ma-prove 'yan sa hearing... what is 11,000?"
Kasalukuyang nanganganib ang prangkisa ng ABS-CBN, na may hawak din sa MOR, habang papalapit ang pagkapaso ng kanilang legislative franchise pagsapit ng ika-30 ng Marso, 2020.
Gag order, quo warranto petition
Pinakawalan ni DJ Chacha, Czarina Marie Balba sa totoong buhay, ang mga katagang 'yan kahit na hinihiling ni Solicitor General Jose Calida sa Korte Suprema na itigil ng mga ABS-CBN stars ang paglalabas ng mga statement patungkol sa franchise.
Matatandaang naghain din ng quo warranto petition si Calida laban sa ABS-CBN dahil sa diumano'y isyu ng dayuhang pagmamay-ari nito at "kwestyonableng" pagpapatakbo ng KBO Channel kahit na wala raw kinukuhang permit mula sa National Telecommunications Commission.
Ang mga puntong 'yan, na ginagamit ng OSG para mabawi ang prangkisa ng Kapamilya Network, ay sinagot na ng ABS-CBN.
Hindi rin napigilan ng radio personality na birahin ang isyu ng US visa ni Dela Rosa na binawi ng Amerika, na ginamit na rason ng Palasyo sa pagputol ng Visiting Forces Agreement.
"My next vlog is for Senator Bato. I’ll give tips kung paano ako nakakuha ng 10-years Multiple Entry US Visa. Para di’ na siya mag-tantrums," sabi pa niya.
My next vlog is for Senator Bato. I’ll give tips kung paano ako nakakuha ng 10-years Multiple Entry US Visa. Para di’ na siya mag-tantrums.
— DJ Chacha (@mor1019chacha) February 18, 2020
Pinaniniwalaan ng marami na binawi ang visa ng senador dahil sa ipinatutupad na parusa ng Estados Unidos sa mga may kinalaman sa pagkakakulong ni Sen. Leila de Lima at mga lumalabag sa karapatang pantao.
Bago maging senador, nanilbihan bilang hepe ng Philippine National Police si Dela Rosa, na nanguna sa madugong "war on drugs" ni Duterte.
'Eh ano kung loyal kay Duterte?'
Hindi naman napigilan ni Bato na sagutin ang mga patutsada ng disc jockey.
"Mali ba ang maging loyal sa isang duly elected president who is after the welfare of his people and who is willing to confront the oligarchs who have been bastardizing this country for so long?" birada ng senador.
Ipinakita rin ng dating PNP chief na kaya niyang gumanti sa mga maaanghang na biro ni Balba: "Baka ang alam lang niya ay mag-chacha."
DJ Chacha (@mor1019chacha) slammed Sen. Ronald dela Rosa after the senator said on a Tuesday interview that President Duterte's take on ABS-CBN's franchise renewal will influence his vote.
— Philstar.com (@PhilstarNews) February 19, 2020
Dela Rosa fired back saying, "Baka ang alam lang niya ay magchacha." pic.twitter.com/sw9RbWSQgI