Issue ng renewal, mas lumalala sa gag order?!
Kung totoo ngang magkakaroon na ng gag order sa isyu ng franchise renewal ng ABS-CBN, baka mas lalo pang lumala ito dahil lumalabas na paninikil na talaga kapag binubusalan na tayong magbigay ng komento sa mainit na isyung ito.
Lumalala na nga tuloy, kagaya nitong hidwaan ni Robin Padilla sa mga taga-ABS-CBN.
Kaugnay pa rin sa isyung ito, marami na raw ang nakakapansin sa napakalaking studio na ipinatayo ng ABS-CBN sa San Jose del Monte, Bulacan. Ito ‘yung Soundstage na may 77 hectares ang laki.
Dumaan doon kahapon ang ka-PEP Troika kong si Jerry Olea at nababahala raw siya dahil nagmistulang ghost studio na raw ang dating.
Wala raw aksyon doon nang sumilip siya. Pero sabi naman daw ng guard na pinayagan silang sumilip sa loob, doon naman daw kinunan ang Idol Philippines at Your Moment.
Sabi rin ni Noel Ferrer, may ginagawa naman daw doon. Minsan nagti-taping daw doon ang Maalaala Mo Kaya.
Magsu-shoot din daw doon sina Jodi Sta. Maria, Maricel Soriano at ang alaga niyang si Iza Calzado ng soap nila, kaya napapakinabangan pa rin ang naturang studio.
Pero ang isa pang narinig namin, meron pa raw sanang gagawin doon pero hindi na raw muna itinuloy dahil nga sa problema nila sa renewal ng franchise.
Pero sabi naman ng ilang taga-Kapamilya network, magagamit at magagamit pa rin daw ang napakalaking studio na iyun. Marami pa naman daw puwedeng gawin ang ilang platform ng ABS-CBN kung sakaling matuloy nga silang i-shutdown, na huwag naman sana.
Jinggoy gustong pagbigyan si Ipe sa pagiging senior citizen
Ang isyu pa rin sa ABS-CBN franchise ang pinag-uusapan sa birthday party ng dating Sen. Jinggoy Estrada na ginanap sa Emar Suites, Mandaluyong nung isang gabi.
May ilang taga-Kongreso na tinanong namin, hindi rin nila masagot kung ano ang susunod na magaganap. Pero malapit na nga raw itong dinggin sa Kongreso, na gusto na ngang pasimulan ni Sen. Grace Poe sa Senado.
Nandun din si Sen. Poe sa birthday party, pati si Sen. Manny Pacquiao at ang BFF ni Sen. Jinggoy na si Sen. Bong Revilla.
Dumating si Phillip Salvador at nabanggit nga niya sa amin na isinumite na uli sa Execom ng Metro Manila Film Festival ang pelikula nila ni Nora Aunor, ang Isa Pang Bahaghari.
Natuwa rin si Sen. Jinggoy na ibinalita sa aming nahabol din daw nila sa deadline ang pelikula nila ni Sylvia Sanchez na Coming Home.
Madrama raw ang pelikula nila, pero minsan daw ay pini-playtime siya ni Sylvia kaya nasisira raw ang concentration niya sa ilang mabibigat na eksena.
Tinanong namin sina Jinggoy at Kuya Ipe kung sakaling makapasok ang pelikula nila, paano kung maglaban silang dalawa sa Best Actor category. “Ibigay na natin sa senior citizen,” natatawang sagot sa amin ni Sen. Jinggoy.
Nora hindi nagpa-double sa action
Maaksyon pala ang eksenang kinunan nina Nora Aunor at Kyline Alcantara sa Bilangin ang Bituin sa Langit.
Nagkaeksena na nga raw sila nung nakaraang linggo at kabado raw talaga si Kyline nung una. Kasama rin doon si Yasser Mata na ka-partner ni Kyline sa afternoon drama na ito.
Ayaw lang ikuwento ng production staff kung anong eksena iyun, pero medyo maaksyon daw na naghanap na raw sila ng ka-double ni Ate Guy. Pero hindi raw ito pumayag na magpa-double. Siya raw ang gumawa ng eksenang iyun na take one lang. Kaya napabilib sila sa professionalism ng original Superstar.
Sabi ni Kyline nung nakaraang mediacon, hindi raw talaga maiwasang kabahan siya lalo na’t kung Nora Aunor ang kaeksena mo. “Wala pong artistang hindi nangarap makasama si Ms. Nora Aunor at dinidirek ni Ms, Laurice Guillen.
“Surreal po siya at first, pero ngayon na nangyayari na po ito, nagpu-promo na and everything, tumatagal na po yung taping, unti-unti na po siyang nagsi-sink in sa akin. Dun na po dumarating yung pressure na kailangang pag-aralan talaga yung character. Kinakabahan po ako,” pahayag ni Kyline.
Natawa naman si Yasser dahil ang bait daw agad sa kanya ni Nora lalo nang sinabi raw niyang kapangalan ni Ate Guy ang Mommy niya.
“Na-stun ako sa kanya nung nagkita kami sa storycon. Tapos papalapit siya sa akin, nakangiti siya. Tapos nasabi ko lang sa kanya, ‘alam nyo po kapangalan mo yung Mommy ko. Tapos sabi niya ‘talaga anak? Tapos humalik ako sa kanya. Grabe, totoo ba to?
“Napaka-open ni Mama Guy, akala mo istrikto. Pero pag in-approach mo siya, napaka-open niyang tao,” sabi naman ni Yasser.
Sa darating na Lunes, February 24 na mapapanood ang Bilangin ang Bituin sa Langit pagkatapos ng Prima Donnas.
- Latest