Ate Vi ayaw nang ibitin ang franchise ng ABS-CBN
Nagsalita si Congresswoman Vilma Santos na naniniwala siyang dapat pag-usapan na ng kamara ang extention ng franchise ng ABS-CBN ngayon na, taliwas iyon sa sinasabi ng leadership ng kamara na nagsabing hindi naman urgent iyon at maaaring pag-usapan hanggang 2022.
Sinabi rin ni Quezon City Mayor Joy Belmonte na nakasuporta siya sa extention ng franchise ng network na isa sa pinaka malaking taxpayer ng kanyang lunsod, at nagbibigay ng trabaho sa marami nilang mamamayan. Idagdag mo pa nga riyan ang mga negosyong nasa lugar na iyan dahil sa ABS-CBN.
Pero bakit nga ba gusto nilang madaliin iyon samantalang maaari pa nga namang pag-usapan hanggang hindi natatapos ang termino ng kasalukuyang kongreso?
Sinasabing matatapos ang franchise ng ABS-CBN sa March 30. Totoo, maaari silang humingi ng provisional permit to broadcast mula sa NTC habang wala pa ang extention ng kanilang franchise, pero gaano ba kahaba ang provisional permit?
Isa pa, mayroong isang quo warranto petition na iniharap sa korte suprema para suspindihin ang franchise ng ABS-CBN dahil diumano sa ilang paglabag sa mga kondisyon ng franchise.
Kung ang quo warranto ay papaboran ng Korte Suprema, balewala na ang extention dahil balewala na ang lumang franchise, wala na ring hihinging provisional permit, at ibig sabihin noon bale wala na rin ang labing isang bill, kabilang na ang ginawa ni Congresswoman Vilma Santos dahil ang kakailanganin ng ABS-CBN ay muling mag-apply ng panibagong franchise. Hindi na extention ang kailangan kung hindi bago. Baka mas mahirap ilusot iyan?
Hindi natin sinasabing ganoon nga ang kalalabasan, pinag-aaralan lamang natin ang lahat ng posibleng scenario sa mga nangyayari ngayon. Pero isang bagay ang maliwanag, mukhang tama ang National Press Club of the Philippines sa pagsasabing hindi “press freedom” ang issue rito. Ang issue ay franchise ng isang network. Hindi ang kanilang karapatan sa pamamahayag kung hindi ang kanilang negosyo.
Daniel tinakbuhan ang fans na gustong maki-selfie
Masama naman daw kasi ang pakiramdam ni Daniel Padilla habang sila ay may shooting sa Lucena, at alam naman ninyo basta nakita ng fans si Daniel, hindi mo maaawat ang mga iyan na magpa-selfie. Kaya lang, ang mga artista kung nagpupunta sa set, naroroon sila para magtrabaho, at kung lahat ng magpapa-selfie haharapin nila, walang katapusan iyan. Hindi nila magagawa ang kanilang trabaho, masasayang ang oras ng lahat ng involved sa produksyon at malaking pera rin ang matatapon dahil hindi nila nagagawa sa oras ang trabaho nila.
Kaya namin nasabi ito ay dahil nauunawaan namin kung bakit tinakbuhan din ni Daniel ang mga gusto pang magpa-selfie, dahil kung hindi, masama na ang pakiramdam niya, hindi pa matatapos ang trabaho nila, at hindi biru-biro ang mahabang biyahe papuntang Lucena.
Mga baguhang artista kulang sa tamang atake
Masarap ang kuwentuhan, of all places, sa burol pa ni Tita Nene Riego. Napag-usapan kasi ang mga problema ng mga artista lalo na iyong nagsisimula pa lamang ng kanilang career, maging babae man o lalaki. Lahat naniniwala na totoong nangyayari nga ang mga problemang iyon.
Maraming hindi magandang karanasan na hindi dapat nangyayari kung ang atake lamang ng mga tao sa kanilang trabaho ay bilang mga professionals. Kaso nga kadalasan ay hindi. May mga baguhan din namang sugod sa kahit na ano, sumikat lang sila.
- Latest