Puganteng si Xian Gaza 'nagregalo ng Mustang' kay Nadine Lustre

"First of all, Happy Valentine's Week! Sana ay nagustuhan mo at nawa'y tanggapin mo 'tong 'Bouquet of Mustang' na regalo ko para sayo," sabi ni Gaza sa isang paskil Facebook.

MANILA, Philippines — Sasakyang Mustang daw ang iniregalo ng kontrobersyal na social media personality na si Xian Gaza sa aktres na si Nadine Lustre para sa nalalapit na Araw ng mga Puso, ayon sa viral post ng nauna, Lunes.

"First of all, Happy Valentine's Week! Sana ay nagustuhan mo at nawa'y tanggapin mo 'tong 'Bouquet of Mustang' na regalo ko para sayo," sabi ni Gaza sa isang paskil Facebook.

 

 

Kung may bahid ng katotohanan, hindi ito ang unang beses na gumastos nang limpak-limpak na salapi si Gaza para magpasikat sa nagugustuhang artista.

Taong 2017 nang magpaskil si Gaza ng billboard kung saan inaaya niya ng kape ang aktres na si Erich Gonzales.

"Since my teenage days, KSP na talaga ako. Whenever I really like someone, gagawin ko ang lahat-lahat para makuha ang atensyon nung babaeng gusto ko in the grandest way possible within my means," dagdag pa ni Xian.

"Just like my ligaw efforts to Ella Cruz way back 2016 and so with my epic fail billboard for Erich last 2017."

Dati nang itinanggi ni Ella na naging sila ni Gaza, matapos tila i-suggest ni Xian na naging nobya niya ang nabanggit.

Aminado si Xian na maaaring "magmukhang tanga" at pagtawanan siya ng publiko dahil sa kanyang ginagawa — pero wala raw siyang pakialam.

Hindi rin daw nangangahulugan na binibili niya ang pagkababae ni Nadine, na kamakailan lang nakipaghiwalayan sa ex-boyfriend na si James Reid.

"It's just that my financial capacity at the moment is a little bit good and I believe that you deserve to be the first ever person in the Philippines to receive a 'Bouquet of Mustang' as a Valentines gift because that's how high I value you as a woman," sabi niya.

Wala pa namang kahit na anong paskil sa social media si Nadine tungkol sa diumano'y regalo ni Gaza.

Loverboy na umeskapo sa batas

Matatandaang ipinagmalaki ng self-confessed scammer ang paglikas niya ng Pilipinas noong 2018 matapos i-convict ng Malabon court dahil sa pagtalbog ng mga tseke.

Kaugnay ng isang investment scam ang kanyang krimen.

Sinabi noon ni Gaza na humaharap siya sa tatlong warrant of arrest siya at sinesentensyahan ng limang taong pagkakakulong.

Bagama't nakatakas sa kuko ng batas si Xian, dati nang pinabulaanan ng Bureau of Immigration na dumaan siya sa eksenang mala-action movie para makaalis sa paliparan.

"Sa kaso niya, wala siya noong [hold departure order nang] umalis siya," sabi ni Immigration spokesperson Dana Sandoval, kung kaya malaya siyang nakaalis ng bansa.

Una nang sinabi ni Gaza na tinulungan siya ng kanyang Singaporean boss na mag-apply ng citizenship sa isang bansa sa Latin America.

Show comments