Sabi nga nila, napakaraming nangyari noong nakaraang buwan. Pumutok ang Taal, may kumalat na virus, at sa showbusiness sunud-sunod ang pagpapakasal. Mayroong mga hindi pa ikinakasal pero noong nakaraang buwan pa, buo na ang plano ng mga kasal na iyan.
Marami na ring controversies na napag-usapan tungkol sa mga kasal. Pero ang sinasabi nga nila, bakit si Sunshine Cruz na puwede nang mag-asawang muli mukhang wala pang plano?
“Iba naman kasi ang situation ko. Hindi naman ako iyong dalaga na excited magpakasal agad at gustong magkaroon ng pamilya. Nadaanan ko na iyan eh. Nakita ko rin ang mga maling nagawa ko dahil sa pagmamadali noong una. Ang maganda nga lang na nangyari sa akin ay nagkaroon ako ng tatlong mga anak na mahal na mahal ko, at napakababait naman.
“Hindi rin naman ako iyong tipo na papasok sa isang relasyon tapos itatago ko naman. Kung ako mag-aasawa ulit, malalaman ng lahat iyan kasi wala akong ginagawa sa buhay ko na ikinahihiya ko o itinatago ko. Lahat ng ginagawa ko alam ng mga tao. Artista kasi ako, natural lang na lahat ng buhay ko alam naman ng mga tao, bakit ko itatago,” sabi ni Sunshine.
Eh ano pa nga ba ang nakakapigil kay Sunshine na mag-asawang muli?
“Hindi na ako nag-iisa. I have my three daughters to think of. Nagkamali na ako minsan, and I want to make sure I will not make the same mistakes again. Hindi ka naman makakakita talaga ng isang perfect relationship, pero dapat maiwasan na iyong mga dating pagkakamali.
I would like to prepare muna para sa kinabukasan ng mga anak ko. Alam ko wala akong maaasahang iba na mag-iisip ng kinabukasan nila and I will have to do it by myself. Iyon muna ang mahalaga sa akin, tapos everything personal can just follow,” sabi ni Sunshine.
Barbie palaging parang pang-support lang!
Nagsimula si Barbie Forteza bilang isang child star. Mabilis naman siyang nag-click kaya nga nakakuha naman siya ng malalaking breaks. Pero sinasabi ng mga observers na nitong bandang huli, sa halip na mas malalaking papel ang pahawakan sa kanya, nagmumukha siyang support lang sa mga mas malalaking artista. Inihahanay pa siya roon sa mga baguhan.
Kung sa bagay, makaka-angal ka ba kung iyon ang gustong ipagawa sa iyo ng network, eh naka-kontrata ka. Pero marami nga ang nagsasabi na sayang naman si Barbie,lalo’t kung iisipin mo na iyong mga ibang artistang wala pa namang napapatunayan, mas nabibigyan ng break.
Kailan nga kaya nila gagawing bida talaga si Barbie?
Mga sinehan iniiwasan din dahil sa virus
Hindi maikakaila, apektado na naman ang industriya ng pelikula dahil sa takot sa coronavirus. Maya’t maya kasi ang maririnig mo na lang sa radyo at telebisyon ay umiwas muna sa matataong lugar at ang madalas na binabanggit ay ang malls, at sinehan.
Sinasabing bumaba na ng 40% ang kita ng mga sinehan simula noong magkaroon ng nCoV scare na iyan. Lalo na nga’t sinasabing nabubuhay ang virus sa mga malalamig na environment, kagaya rin ng loob ng mga sinehan na masyadong malamig.
Ngayon walang pelikulang makapag-claim na sila ay big hit, dahil wala naman talagang big hit. Kung sa mga mall nga kakaunti ang tao, di lalo na sa loob ng mga sinehan.