Nanaig sa kantahan ang rock reggae band na Juan Gapang, habang tagumpay rin ang Bulacan pride na Kenyo Street Fam sa dancing stage at parehong itinanghal bilang kauna-unahang Your Moment grand champions noong Linggo ng gabi (Perbrero 2).
Wagi bilang grand singing champion ang Juan Gapang para sa nakakaantig na performance nila ng Tatsulok na nakakuha ng total average score na 97.22%, na mas mataas sa kalaban nitong Verse Band na may 87.22%. Ang music producer na si Marcus Davis ang naging mentor sa Juan Gapang ng Bacolod.
Samantala, nagbigay-pugay naman ang Kenyo Street Fam sa kanilang pinagmulan sa isang performance na nakasentro sa isang sementeryo kung saan sila laging nagpapraktis noon. Sa ilalim ng paggabay ng The Philippine All-Stars artistic director na si Lema Diaz, nagkamit sila ng 97.22% at tinalo ang 96.11% ng Fabulous Sisters.
Bilang mga grand champion, parehong nag-uwi ang Juan Gapang at Kenyo Street Fam ng tig-P2 milyon at exclusive management contract mula sa ABS-CBN.
Tampok din sa finale ang mga performance ng host na si Vhong Navarro at mga hurado na sina Billy Crawford at Nadine Lustre. Dumalo rin sa finale ang judge na si Boy Abunda at host na si Luis Manzano.
Tampok ang iba’t ibang Pinoy at foreign singing at dancing acts, ang Your Moment ay isang orihinal na talent-reality format na nilikha ng ABS-CBN at Fritz Productions ng Netherlands.
Speaking of Your Moment, isa sa mga judge sa nagtapos na talent contest si Nadine. At in all fairness, wala sa hitsura niya na may pinagdadaanan sa kasalukuyan.
Kalmado lang siya pero walang nagkaroon ng chance na maka-chika siya bago pa man mag-start ang live airing nito last Sunday night.